
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Mar. 8, 2012) – Kasado na ang gun ban sa Davao City matapos na aprubahan ng pulisya ang kahilingan ng lokal na peace and order council dahil sa selebrasyon ng ika-75 anibersaryo ng nasabing lugar.
Sinabi ng pulisya na lahat ng gun permits na nasa kamay ng mga sibilyan ay pansamantalang sinuspinde ng isang buwan. Mismong si Philippine National Police Chief Nicanor Bartolome ang lumagda sa kautusan.
“All permits to carry firearms outside of residence are hereby temporarily suspended for 31 days in Davao City in view of the celebration of the Araw ng Davao – the 75th founding anniversary,” ani Senior Inspector Gretchen Cinco, ang regional police spokesperson, sa Mindanao Examiner.
Sinabi ni Cinco sa Abante na tanging mga parak at sundalo lamang ang exempted sa gun ban.
“Only members of the police and military and other law enforcement agencies that are performing official duties and in agency-prescribed uniforms will be allowed to carry firearms in the city,” wika nito.
Dapat ay nuong Marso 1 pa ang gun ban, ngunit kamakalawa lamang ito ipinatupad.
Masaya naman si Mayor Sarah Carpio sa kautusan, ngunit hindi naman pabor ang ama nitong si Rodrigo Duterte, na siyang vice mayor ng Davao, sa mahabang gun ban dahil karamihan sa mga krimen ay kagagawan ng mga kriminal at gang member at dapat lamang na maproteksyunan ng mga sibilyan ang kanilang kasiguruhan.
Alarmado ang mga residente sa tumataas na krimen sa Davao na lungga rin ng mga rebeldeng New People’s Army. (Mindanao Examiner)