
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Dec. 5, 2012) – Umabot na sa mahigit 70 ang bilang ng mga nasawi sa bagyong ‘Pablo,’ kabilang na ang 43 nalibing sa landslide sa lalawigan ng Compostela Valley sa Mindanao.
Kalunos-lunos ang naganap sa bayan ng New Bataan sa Compostela Valley dahil karamihan sa mga nasawi ay tumatakas sa bagsik ng bagyo, ngunit nalibing naman ang mga ito sa naganap na landslides doon.
Pati ang truck ng militar na may lulang mga residenteng iniulikas ng Sundalo ay kasamang nalibing ng buhay ng bumigay ang kabundukan dahil sa rumaragasang tubig-ulan.
Libo-libong katao naman ang stranded nuong Martes sa lalawigan ng Sulu at iba pang bahagi ng Mindanao matapos na bayuhin ng bagyong Pablo (international code name Bopha) ang malaking bahagi ng katimugan ng bansa.
Sa Sulu ay ipinagbawal ng Coast Guard na maglayag ang anumang uri ng barko at maging ang paliparan sa bayan ng Jolo ay kanselado na rin ang lahat ng flights at gayun rin sa Zamboanga City at iba pang bahagi ng Mindanao.
Ngayon Miyerkules lamang pinayagan ng mga kinauukulan ang mga eroplano na lumipad mula Sulu at Zamboanga City kung kaya’t fully-booked ang mga ito.
Maraming lugar rin sa Mindanao ang nawalan ng kuryente at maging cell sites ng mga telecom companies ay apektado rin ng bagyo.
Umabot naman sa mahigit 50,000 residente ang naapektuhan ng flash floods sa Regions 8, 10, 11 at Caraga. Balot rin sa dilim ang bayan ng Tandag, Bislig, Hinatuan, Tagbina, Barobo, Lianga at Lingig sa Surigado del Sur at Pilar sa Surigao del Norte dahil sa kawalan ng kuryente kagabi.
Nagkaroon rin ng pabalik-balik na black out rin sa Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Lanao at Zamboanga City dahil nag-tripped umano ang linya ng kuryente ng Agus 2, 5 at 6.
Nagkaroon rin ng landslides sa Barangay Sawer sa bayan ng Masiu sa Lanao del Sur, ngunit wala naman inulat na nasawi. Hindi na rin madaan ang highway na naguugnay sa Iligan at Marawi, gayun rin ang bayan ng Kapatagan sa Lanao del Sur, ayon naman sa monitoring center ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sinabi naman ng weather bureau na patungo na sa direksyon ng Visayas at Luzon ang bagyo at doon naman naka-bantay ang mga kinauukulan dahil sa banta ng flash floods at landslides. (Mindanao Examiner)