
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Mar. 29, 2014) – Isang masusing imbestigasyon ang inilunsad ngayon ng pamunuan ng pulisya sa Maguindanao matapos na paslangin ng mga di-kilalang armado ang hepe nito sa bayan ng Kabuntalan.
Nasawi si Inspector Tiongan Namla matapos na ito’y ratratin ng mga armadong nakasakay sa isang pick-up truck at motorsiklo sa Barangay Dulangan sa bayan ng Datu Odin Sinsuat nitong Biyernes ng hapon.
Nakasakay sa kanyang motorsiklo si Namla ng buntutan ito ng mga armado at saka pinaulanan ng bala sa naturang barangay.
Tinadtad umano ng bala ang katawan ni Namla, ngunit hindi pa mabatid ang motibo at kung sino ang nasa likuran ng pamamaslang sa opisyal.
Nabawi sa lugar ng krimen ang sari-saring basyo ng bala at sinusuri na umano ito ng pulisya. Hindi naman sinabi ng pulisya kung may inulat si Namla na banta sa kanyang buhay. (Mindanao Examiner)