
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Sept. 3, 2014) – Sinibak na rin sa wakas ng pulisya ang hepe nito sa Davao City dahil sa kasong grave misconduct at physical injuries na inihain ng asawa nito noon 2012.
Nasa “floating status” umano si Senior Superintendent Vicente Danao matapos na ito’y alisin sa kanyang puwesto at ngayon ay nasa Police Regional Office.
Matatandaang naglunsad ng rally ang Gabriela sa Davao City upang hingin sa pulisya na papanagutin si Danao dahil sa paglabag ng batas sa the RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004 matapos na lumutang ang video nito na hinahampas ang asawa sa gitna ng kanilang pagtatalo sa loob ng kanilang bahay.
Inakusahan ng Gabriela si Danao ng paglabag sa batas, ngunit naunang sinabi ng opisyal na siya ay naset-up lamang ng kanyang asawa at anak. Mismong ang anak nito ang kumuha ng video gamit ang kanyang cell phone at ito ay na-upload sa Youtube at naging viral.
Sinabi naman ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na personal itong problema ni Danao.
“Alarming, this is how we describe, at the very least, the actions of Davao City Police Chief Sr. Supt. Vicente Danao Jr. who was caught assaulting his wife in an uploaded video, and dismissing it thereafter as a private matter. To say that we are aghast at this police officer who publicly admitted to his crime, yet tries to escape responsibility in the pretext of privacy is an understatement,” pahayag pa ni Mary Ann Sapar, ang Secretary General ng Gabriela.
Naunang nanawagan si Sapar sa pamahalaang lokal na patawan ng disciplinary action si Danao o kaya ay suspindihin bilang hepe ng pulisya.
“We demand that he be suspended from his post for no one is above the law. Women, as our laws mandate, “have the right to the prevention of and protection from all forms of violence and coercion against their person, their freedom, their sexuality, and their individuality. If Senior Superintendent Danao gets away with his crime, it would be a perilous precedent against women’s rights,” wika pa ni Sapar.
Sa dami ng mga human rights groups at civil society organizations na diumano’y concerned sa isyu ng human rights ay tanging Gabriela lamang ang naglunsad ng rally at nagkondena kay Danao.
Matatandaang inireklamo ng National Union of Journalists of the Philippines ang pulisya sa Davao matapos na umano’y saktan ng isang parak sa ilalim ni Danao ang mamamahayag na si Barry Ohaylan, correspondent ng Pinoy Weekly and Kilab Multimedia Group, noon Agosto. Nagko-cover umano si Ohaylan ng rally ng mga magsasaka ng ito’y paluin ng batuta sa ulo. (Mindanao Examiner)