
CAGAYAN DE ORO CITY (Mindanao Examiner / Nov. 15, 2011) – Patay ang isang hepe ng pulisya at isang patrolman nito matapos silang magbarilan sa bayan ng Bayabas sa Surigao del Sur province sa Mindanao.
Nabatid na binaril diumano ni PO3 Lord Anthony Lerin ang hepe nito na si Insp. Edgardo Dico, ngunit niratrat rin ng opisyal ang kanyang tauhan kung kaya’t pareho silang natigok dahil lamang sa alitan.
Hindi pa malinaw ang pinagmulan ng away ng dalawa, ngunit ipinag-utos na ng pulisya ang isang masusing imbestigasyon sa naturang pangyayari, ayon kay Superintendent Martin Gamba, ang spokesman ng CARAGA regional police.
Wala pang masabi ang opisyal ukol sa ugat ng pagtatalo at nangangalap pa ng impormasyon ang mga imbestigador mula sa mga kasamahan nina Lerin at Dico.
Ikinabigla naman ng pamunuan ng pulisya ang naganap at bihira umano ang ganitong mga insidente sa hanay ng Philippine National Police. (Mindanao Examiner)