
TUGUEGARAO CITY (Mindanao Examiner / Jan. 6, 2013) – Nadakip ng pulisya ang isa umanong rebeldeng ng New People’s Army na nanambang sa 11 sundalo sa bayan ng Tinoc sa Ifugao province.
Sinabi ng pulisya na nadakip si Rene Abiva sa kanyang tahanan sa Centro 5 sa Tuguegara City matapos na matunton ito ng mga awtoridad. May warrant of arrest rin na inilabas ang korte laban kay Abiva.
Si Abiva ang isa sa mga itinuturong nasa likod ng ambush na naganap nuong Abril ng nakaraang taon na kung saan ay ilang sibilyan rin ang nasawi at maraming sundalo ang sugatan.
Ayon sa awtoridad, nasa pangangalaga na ng Lagawe, Ifugao si Rene Boy Abiva, ang naarestong kasapi ng New People’s Army (NPA) na kasama umano sa mga nanambang sa tropa ng militar.
Si Abiva ay naaresto sa kanyang tahanan sa Taft St., Centro 5 sa lungsod na ito sa bisa ng isang arrest warrant na inisyu ng RTC Branch 14 dahil sa kasong murder kaugnay sa pagkamatay ng tropa ng pamahalaan at sibilyan.
Itinanggi naman ni Abiva ang lahat ng bintang laban sa kanya at sinabing coordinator siya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Department of Social Welfare and Development sa Cagayan Valley.(Francis Soriano)