
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 27, 2012) – Sasabak na sa pagka-alkalde ng Zamboanga City si Congresswoman at House Deputy Speaker Maria Isabelle Salazar matapos nitong ianunsyo ngayon araw ang kanyang plano.
Makakabangga ni Salazar si dating Zamboanga del Norte Congressman Romeo Jalosjos, Sr., na nagaambisyon rin na tumakbo bilang alkalde ng Zamboanga, at gayun rin si Congressman Erico Fabian.
Unang kinumbinsi ni Zamboanga City Mayor Celso Lobregat na tumakbo si Salazar upang itapat kay Jalosjos. Si Lobregat ay sinasabing tatakbo sa puwestong iiwan ni Salazar at ang kapatid naman nitong si Jomar Lobregat ay congressman rin ang puntirya sa ibang distrito.
Ilang beses rin na tinangka ni Jalosjos na kumbinsihin si Salazar at ang asawa nito na dating heneral na si Trifonio Salazar, ang kasalukuyang hepe ng National Intelligence Coordinating Agency, upang lumipat sa kanyang kampo.
Matagal ng sinabi ni Salazar sa Mindanao Examiner ang plano nito, ngunit ngayon lamang ito nag-deklara. “I am open to serve,” ani pa ni Salazar noon.
Natuwa naman ang mga supporters nito dahil kilala si Salazar bilang isa sa mga respetadong lider sa Mindanao, ngunit nangangamba naman ang marami na gamitin lamang ng iba ang congresswoman para sa kanilang sariling interest.
Maugong rin ang balita na posibleng tumakbo sa pagka-vice mayor ni Salazar si Lobregat at muling manilbihan bilang mayor na naman kung sakaling mag-desisyon ang mambabatas na tumanggap ng anumang posisyon sa Gabinete ni Pangulong Benigno Aquino.
Mahigit sa dalawang dekada ng hawak ng mga Lobregat ang posisyon sa congress at mayor sa Zamboanga City. (Mindanao Examiner)