
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Oct. 3, 2012) – Patuloy na umaani ng malaking suporta ang kandidatura ni Zamboanga City Congresswoman Maria Isabelle Climaco-Salazar bilang pagka-alkalde dito sa darating na halalan.
Pormal ng naghain ng kanyang kandidatura si Salazar kasama ang kanyang opisyal na line-up sa tanggapan ng Commission on Elections sa Zamboanga. Makakabangga ni Salazar si Zamboanga City Congressman Erico Erbie Fabian at dating Zamboanga del Norte Romeo Jalosjos, Sr., sa naturang posisyon.
Naunang diniskwalipika ng COMELEC ang voter’s registration ni Jalosjos dahil sa petisyon an inihain ni Climaco at ibang mga pulitiko ukol sa isyu ng pagkakakulong nito sa kasong statutory rape at legalidad ng kanyang paghain ng rehistro sa Zamboanga.
Ngunit sa mga naglalabasang surveys ay malaki pa rin ang lamang ni Salazar at pumapangalawa si Fabian na nasa ikatlo at huling termino na kanyang posisyon.
Matunog rin sa surveys si Councilor Rommel Agan, anak ng dating Zamboanga City Mayor Vitaliano Agan, na hinihikayat tumakbo bilang congressman o vice mayor sa Zamboanga City. Pasok rin sa surveys sina Councilors Melchor Sadain at Cesar Jimenez at dating Zamboanga City Vice Mayor Mannix Dalipe.
Malakas rin ang posisyon ng dating Catholic priest Crisanto dela Cruz, na ngayon ay tumatakbo bilang congressman sa Zamboanga City. Kilala si Dela Cruz bilang isang pilantropo at nasa likod ng matagumpay na Nuevo Zamboanga College at Lantaka Hotel.
Maging si Councilor Gerky Valesco, na nasa likod ng mga ibat-ibang tourism campaign sa Zamboanga City ay nangunguna rin sa mga surveys at tumatakbo ito sa ilalim ng Liberal Party ni Salazar. Pasok rin sa surveys ang civic leader na si Councilor Myra Abubakar, at sina Councilors Eduardo Saavedra, Percival Ramos, Luis Biel III at Miguel Alavar. (Mindanao Examiner)