ZAMBOANGA CITY – Nailigtas ng mga awtoridad sa lalawigan ng Tawi-Tawi ang 4 na kababaihan na umano’y ipupuslit sana ng isang hinihinalang ‘human trafficker’ sa Sabah, Malaysia, ayon sa militar kahapon.
Agad nadakip ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya si Henry Alsamala na umano’y utak sa bigong pagtawid sa Malaysia sa loob mismo ng barkong ML Sea of Glory habang naka-daong ito sa bayan ng Bongao, ani Ensign Chester Ian Ramos, ang spokesman ng Joint Task Force ZAMBASULTA o Zamboanga-Basilan-Sulu-Tawi-Tawi.
Nabatid na isang informant ang nagbigay ng impormasyon ukol sa plano ni Alsamala na dalhin ang mga babae sa Sabah matapos na ma-recruit sa ibat-ibang lugar. Kinilala naman ni Ramos ang mga nailigtas na sina Marilou Olico, Clarisa Pardines, Claiza Ann Lorez at Ritz Pas.
Naging mabilis umano ang operasyon dahil papaalis na sana ang barko patungong Sabah ng lusubin ito ng mga intelligence agents at madakip si Alsamala.
Kabilang sa mga kasama sa operasyon ay mula sa Naval Intelligence and Security Group-Western Mindanao, Provincial Women and Children Protection Desk-Bongao, Tactical Operations Group-SULTAW, at Regional Intelligence Unit-9 and 304th Area Intelligence Security Service, ayon pa sa opisyal.
“Alsamala is currently being investigated by the police while the trafficking victims were handed over to the Department of Social Welfare and Development. We are intensifying law enforcement operations and are continuously being conducted to expedite arrest of lawless groups and curb illegal activities in the province,” ani Ramos sa Mindanao Examiner.
Walang ibinigay na detalye si Ramos ukol sa mga biktima at kay Alsamala habang hindi pa tapos ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso. Nais umanong malaman ng mga ahensya ang lalim ng operasyon ni Alsamala at kung ilang biktima na ang nadala o naipuslit nito sa Sabah, o kung anong sindikato ang kinabibilangan nito.
Karamihan sa mga babang bikitma ng human trafficking sa Sabah ay pinangangakuan ng malaking sweldo at maayos na trabaho, ngunit kalimitan ay sa prostitusyon ang bagsak ng mga ito. At kung mga lalaki naman ay sa mga palm oil plantation o construction sites ang bagsak nito at ilegal na pinagtatrabaho doon kapalit ng mababang sweldo. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News