NORTH COTABATO – Mas pinaigting ng Makilala Municipal Environment and Natural Resources o MENRO ang pagbabawal ng anumang uri ng paghuhukay 20 metro ang layo mula sa mga tabing ilog.
Ito ay matapos na magpalabas ng order ang MENRO, katuwang ang DENR-CENRO XII-4B at Makilala police hinggil sa pagpapahinto sa ginagawang paghuhukay sa bahagi ng Sitio Malaang sa Barangay Poblacion.
Ayon kay Engr. Walter Ruizo, MENRO officer, may natatanggap umano silang report mula sa mga concern citizen hinggil sa nakakabahalang paghuhukay sa nasabing lugar. Kaya noong Hulyo 31, tinungo ng pangkat ni Ruizo kasama sina Chief Inspector Johnny Rick Felongco Medel, hepe ng Makilala police office, at ni Forest Ranger Avelino Banac ng CENRO XII 4B ang lugar at doon ay naabutan nila ang 20 talampakan na lalim na hukay malapit sa riverbanks.
Ayon sa ulat, magpapagawa daw ng swimming pool ang may ari habang ang iba ay nagsasabing may ginagawang treasure digging sa lugar. Nakita din sa lugar ang backhoe na ginamit sa nasabing paghuhukay.
Ayon sa may ari na si Cristina Rodriguez-Escoto, 45-anyos na inako nito na sa kanila ang lupa kung saan nagsasagawa ng malalimang paghuhukay.
Paliwanag nito na planu nilang magpatayo ng ‘swimming pool’ sa lugar na aabot sa 30 talampakan ang lalim ng sentro ng pool sapagkat naghahanap sila ng bukal na mapagkukunan ng tubig sa ipapatayong swimming pool.
Pero ayon kay Ruizo, malinaw na sinasaad sa Presidential Decree o PD 1067 na bawal ang anumang istruktura o uri ng recreation sa riparian zone o malapit sa tabing ilog.
Dahil sa illegal na paghuhukay, posibleng magdudulot ng pinsala ito sa mga ilog, pagguho ng lupa sa paligid, pagbabaw ng ilog na posibleng magdudulot ng overflow na nagsasanhi ng pagbaha sa mga komunidad. (Rhoderick Beñez)