
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examienr / Oct. 9, 2012) – Napatay sa Zamboanga City ang isang imam na miyembro naman ng grupo ni dating Zamboanga del Norte Congressman Romeo Jalosjos, Sr. at patuloy ang imbestigasyon sa naturang krimen.
Nakilala ang imam na si Ibno Ayub, base na rin sa nakuhang identification card ng Zamboanguenos for the Transformation of Zamboanga (ZTZ) sa kanya, at ayon sa kanyang asawa ay nagpaalam lamang ito na may pupuntuhan ng matanggap ang balitang pinatay ito di-kalayuan sa kanilang bahay sa Barangay Talon-Talon.
Ayon sa mga saksi ay isang lalaki ang nakita umanong sumalubong sa imam at binaril ito ng ilang ulit at tumakas sakay ng isang motorsiklo na minamaneho ng look-out nito.
Miyembro si Ayub ng grupong ZTZ na itinatag ni Jalosjos upang magamit sa kanyang political interest sa Zamboanga City na kung saan ay tumatakbo itong bilang mayor sa kabila ng pagbabasura ng Commission on Elections ng voter’s registration nito dahil sa kanyang pagkakabilanggo ng mahabang panahon dahil sa kasong statutory rape.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pagpatay at ayon sa asawa ni Ayub ay walang kaaway ang imam at madalas ay tinatawagan pa nga ito ng mga ibat-ibang pamilya upang mamagitan sa mga away. (Mindanao Examiner)