
COTABATO CITY – Kaliwa’t-kanan ang denial ng pamunuan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa mga umano’y recruitment ng ISIS sa magulong lugar, ngunit hindi naman nito maipaliwanag ang mga ibat-ibang larawan ng mga Muslim sa social media na nagbibigay ng kanilang suporta sa mga jihadists na nakikipaglaban sa Iraq at Syria.
Unang itinanggi ng pamunuan ng ARMM ang ISIS recruitment noon matapos na sabihin ng pulisya at militar na walang nagaganap na panghihimok ng naturang grupo sa mga Muslim. At nitong huli ay mariing itinanggi naman ng ARMM ang ISIS recruitment sa mga estudyanteng Muslim na sumusuporta sa mga jihadists.
Sa teknikal na aspeto ay wala pang balita na may mga Arabong ISIS members ang nasa ARMM upang mag-recruit, subali’t ang dami na umanong mga Musim ang nag-pledged ng allegiance sa Sunni group na ang layunin ay palaganapin ang Islamic caliphate na siya naman umaakit sa mga Muslim sa ARMM.
Maging ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa Maguindanao at Lanao del Sur; at ang Abu Sayyaf sa Basilan at Sulu ay nag-pledged na rin ng allegiance sa ISIS. At gayun rin ang mga estudyante at kabataan sa Marawi City at iba pang lugar sa ARMM, at sa hanay ng mga bilanggong Muslim sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan.
Sa kabila ng pagtanggi ng pamunuan ng ARMM, umapela naman si Lanao del Sur Gov. Bombit Adiong sa kanyang nasasakupan na huwag sasanib sa ISIS. “We certainly cannot allow religious extremism to escalate into armed movement,” wika pa ni Adiong.
Bagamat hindi agad matukoy ang laki ng puwersa o ang bilang ng mga sumusuporta sa ISIS sa Lanao at sa ibang bahagi ng ARMM ay marami naman ang hindi sang-ayon sa pagka-brutal ng naturang grupo sa kanilang pananakop sa Iraq at Syria. Sa sobrang brutal ng ISIS maging ang Al-Qaeda ay ayaw na dumikit sa kanila.
Sinabi naman ni dating Pangulong Fidel Ramos na mayroon 100 mga Pilipino ang sumama sa ISIS sa Iraq.
Naunang kinondena ni Saudi Arabia Grand Mufti Sheikh Abdulaziz Al al-Sheikh na ang ISIS at Al-Qaeda dahil sa kanilang pagiging brutal at tinawag pa itong “enemy number one of Islam” at walang kinalaman sa pananampalataya.
“Extremist and militant ideas and terrorism which spread decay on Earth, destroying human civilization, are not in any way part of Islam, but are enemy number one of Islam, and Muslims are their first victims,” ani ng Grand Mufti sa pahayag na inilabas ng Saudi Press Agency. (May karagdagan ulat ni Moh Saaduddin)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com and http://www.mindanaoexaminer.net