
CAGAYAN DE ORO CITY (Mindanao Examiner / Apr. 26, 2014) – Patay ang isang negosyanteng Intsik at ang kasamang Pinay nito matapos silang ratratin ng hinihinalang hired killer sa bayan ng Placer sa Surigao del Norte.
Ayon sa pulisya ay magkasama sa isang sasakyan umano sina Qiang Liu, 36, at Rizel dela Cruz, 22, ng sila’y tabihan ng dalawang lalaki na nakasakay sa motorsiklo at bigla na lamang pinaputukan ng back rider ang mga biktima.
Madaling araw ng Biyernes ng maganap ang pamamaslang sa dalawa, ngunit hindi pa mabatid ang motibo sa atake sa binata at sa babaeng may asawa na kasama nito. Pareho umanong negosyante ang dalawa, subalit hindi pa malinaw kung saan galing ang dalawa, ayon naman sa ulat ng Chinese news agency Xinhua.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang nasabing kaso. Hindi naman agad makunan ng pahayag ang pamilya ng babae at ng dayuhan na matagal na umanong nakatira sa Placer. (Mindanao Examiner)