
HM Sultan Sharif Ibrahim Ajibul Mohammad Pulalun.
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 8, 2013) – Lumabas kahapon ang isa sa mga heir ng Sultanate of Sulu na si Sultan Sharif Ibrahim Ajibul Mohammad Pulalun at umapela ito sa bansang Malaysia na huwag idamay ang mga Pinoy sa patuloy nitong operasyon laban sa isang grupo ng sultanate.
Tinatayang mahigit sa 800,000 Pinoy ang nasa North Borneo ngayon at nanganganib sa posibleng crackdown ng Malaysia.
Mahigit sa 300 Pinoy na ang pinabalik sa Tawi-Tawi at Sulu mula pa nitong buwan at karamihan sa mga ito ay wala umanong mga papeles na hinuli mula sa ibat-ibang panig ng North Borneo.
Nanawagan rin si Sultan Sharif Ibrahim Ajibul Mohammad Pulalun sa pamahalaang Aquino na ilabas na nito ang tunay na kasaysayan ng Sultanate of Sulu na nasa pangangalaga umano ng Malakanyang upang hindi na lumaki ang gulo sa North Borneo.
“Ako po si Sultan Sharif Ibrahim Ajibul Mohammad Pulalun, ang lehitimo na tagapagmana ni Sultan Mohammad Pulalun, Sultan of Sulu and North Borneo, ay nananawagan sa gobyerno ng Pilipinas na ilabas na ang totoong kasaysayan ng Sultanate of Sulu, upang matigil na ang gulo na nakakadamay ng mga inosenteng mamamayan,” wika pa nito sa kanyang mensahe sa mga tagasunod at iba pang grupo ng mga Muslim sa Mindanao.
“Sa pamahalaan naman ng Malaysia, ako po ay nananawagan na huwag idamay ang mga inosenteng Pilipinong sibilyan na naninirahan at naghahanap-buhay diyan sa Sabah. At sa mga kapatid kong Muslim, sabay-sabay tayong manalangin kay Allah na maresolba ang kaguluhan sa Sabah sa mapayapang paraan,” dagdag pa nito.
Marami na umanong nalagas sa panig ng Sultanate of Sulu sa patuloy na kaguluhang sa North Borneo na pagaari ng trono, ngunit inaangkin naman ng Malaysia sa kabila ng pagbabayad nito taon-taon ng “cession money” sa halagang P70,000 sa Sultanate of Sulu.
Matatandaang sinuportahan ng malaki ni Sultan Sharif Ibrahim Ajibul Mohammad Pulalun si Pangulong Benigno Aquino ng ito’y tumakbo nuong 2010 at isa sa mga pangunahing sultan sa Mindanao. (Mindanao Examiner)