
ZAMBOANGA CITY – Anim na kabahayan at isang mosque ang nawasak matapos na araruhin ng isang ipo-ipo ang isla ng Pangapuyan na sakop pa rin ng Zamboanga City sa western Mindanao.
Sinabi ng pulisya na kahapon lamang nito natanggap ang ulat mula sa isla na kung saan ay 13 pumpboats rin ang nasira dahil sa ipo-ipong rumagasa nitong Lunes ng hapon.
Wala inulat na nasawi sa naturang pangyayari, ngunit ilang mga taga-isla rin ang sinasabing nasaktan dahil sa lakas ng hangin na dala ng ipo-ipo.
Agad naman ipinag-utos ni Mayor Beng Climaco sa mga awtoridad na tignan ang naganap sa isla at kung ano ang kaukulang tulong ang kailangan ng mga taga-roon.
Ang ipo-ipo ay nabubuo kung ang malamig o mamasa-masang hangin mula sa kalupaan ay umakyat sa kalangitan at sumanib sa mas maiinit na hangin doon at magsimulang umikot. At dahil sa lakas ng puwersa nito ay maaaring itong magdulot ng malaking pinsala sa kapaligiran. (Mindanao Examiner)