
MANILA (Mindanao Examiner / Feb. 26, 2014) – Mahigpit ang naging seguridad ng pulisya kay socialite at millionaire Janet Napoles na dinala ngayon araw sa pagamutan sa loob ng Philippine National Police General Hospital sa Camp Crame dahil sa iniindang sakit na umano’y sanhi ng ovarian cancer.
Binigyan ng permiso ng Makati City Regional Trial Court Branch 150 si Napoles – na ngayon ay nahaharap sa ibat-ibang kaso na may kinalaman sa pork barrel scam – upang masuri ng mga doktor at sinasabing daraan ito sa isang transvaginal ultrasound.
Nais sana ni Napoles na sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City sa Taguig ito dalhin, ngunit hindi pumayag ang korte.
Ang transvaginal ultrasound ay isang paraan upang makita ang loob ng reproductive organs – uterus, ovaries at cervix – upang malamang kung may tumor o bukol ang isang babae.
Nakapiit si Napoles sa Fort Santo Domingo sa bayan ng Santa Rosa sa Laguna province na kung saan ay todo-bantay ito, ngunit ilang beses na rin pinalitan ang mga guwardiya nito sa hindi pa mabatid na kadahilanan. Pawang mga miyembro ng Special Action Force ng pulisya ang nakabantay doon.
Agad rin ibabalik si Napoles sa kanyang piitan kung sakaling matapos ang lahat ng kinakailangan medical test sa kanya matapos na magreklamo ito ng pananakit ng puson at walang tigil na pagdurugo.
Ngunit bigla na lamang dumami ang hinaing ni Napoles sa kanyang sarili na posibleng paraan lamang nito upang mailagay sa isang “hospital arrest” sa mamahaling St. Luke’s Medical Center tulad ni dating Pangulong Gloria Arroyo na ngayon ay nasa marangyang kuwarto sa Veterans Memorial Medical Center. Nahaharap rin si Arroyo sa kasong plunder. (Mindanao Examiner)