
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Jan. 7, 2014) – Naagapan ng isang pump boy ang posibleng pagsabog ng pampasaherong jeep matapos na magliyab ang makina nito habang nagkakarga ng diesel sa isang gasolinahan dito kaninang hapon.
Bigla umanong nagliyab ang makina ng lumang jeep na minamaneho ni Cesar Isidro, 58, sa Shell gasoline station sa Mayor Jaldon Street sa Barangay Canelar.
Mabuti na lamang umano at buo ang loob ng pump boy na si Raden Parba at pilit nitong itinulak ang jeep palayo sa gasolinahan dahil sa malaking posibilidad na masunog ito o kaya ay sumabog ang jeep.
Pinuri naman ng supervisor ng gasolinahan na si Henry delos Santos sa katapangan at dedikasyon sa trabaho ng kanyang pump boy at hindi nito alintana ang peligro mailigtas lamang sa tiyak na kapahamakan ang gasolinahan at ang jeep.
Dahil sa insidente ay ilang oras rin sarado ang gasolinahan at malaki rin ang inilugi nito dahil sa naganap na sunog sa jeep.
Muli naman nagpaalala ang mga awtoridad sa nagkakarga ng diesel o gasolina na patayin ang kanilang mga makina habang nasa gasolinahan upang makaiwas sa sunog. (E. Dumabo)