
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Nov. 23, 2012) – Patay ang isang Indonesian terrorist ng makipagsagupaan sa pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya, ngunit nakatakas naman ang 6 pang kasamahan nito sa Marawi City na kung saan ay natunton ang kanilang taguan.
Isang parak ang sugatan ng mahulog sa gusali sa kasagsagan ng operation ng mga awtoridad nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala naman ng militar ang napatay na dayuhan na si Sanusi at miyembro umano ito ng Indonesian terror group Jemaah Islamiya, na sabit sa ibat-ibang karahasan at pambobomba sa Mindanao at Indonesia.
Natunton umano ng mga awtoridad ang hideout ng JI matapos ng mahabang intelligence operation at impormasyon mula sa mga civilian informants.
Hindi naman agad mabatid kung paanong nakapasok sa bansa si Sanusi o ang nasa grupo nito, subali’t ilang beses na rin sinabi noon ng militar na maraming mga JI terrorists ang nasa Mindanao at kinukupkop ng Moro Islamic Liberation Front at Abu Sayyaf.
Nabatid pang may mga kasong pagpatay at arson si Sanusi sa Sarangani province at may mga warrants of arrest rin ito mula doon. (Mindanao Examiner)