
MANILA (Mindanao Examiner / May 24, 2013) – Sasabak na umano si teen star Julia Barretto sa kanyang kauna-unahang pagbibidahang teleserye ngayong opisyal nang inihayag ng ABS-CBN sa Mindanao Examiner na siya ang magiging lead star ng TV remake ng nobela ni Dominador Ad Castillo na Cofradia.
Ayon pa sa television giant, bago pa man maging parte ng Star Magic Circle 2013 si Julia ay una na itong napansin ng publiko dahil sa kanyang galing at sa ipinamalas niyang talento sa pag-arte sa mga teleseryeng tulad ng Kokey, Palos at Walang Kapalit.
Para sa kanyang biggest break, bibigyang buhay ni Julia ang papel ni Cofradia na ginampanan ng beteranang aktres na si Gloria Romero noong 1953 at ni Gina Alajar noong 1973.
Ang Cofradia ay umiikot sa kwento ng isang babaeng natatakot umibig dahil sa kulay ng kanyang balat na magkakaroon ng kakayahan na magpalit ng anyo dahil sa mahiwagang kandila.