
TODO ang pasasalamat ni Julia Montes sa umano’y laki ng naitulong ng “Ikaw Lamang” sa kanya bilang isang aktres at dahil na rin sa magandang karakter niya sa top-rating master teleserye ng ABS-CBN.
“Bago pa man magsimula ‘yung ‘Ikaw Lamang’ sobrang kinakabahan ako kasi iniisip ko kung kaya ko bang makipagsabayan sa mga bigating artistang kasama sa cast. Pero nawala agad ang takot ko dahil lahat ng co-stars ko tinulungan akong mas mabigyang hustisya ang role ko bilang si Mona. Masasabi kong mas nahasa ako bilang isang aktres dahil sa kanila at sa show,” wika ni Julia.
Samantala, sa pagpanaw naman ni Mona ay tiyak na lalong titindi ang tensyon sa pagitan nina Samuel (Coco Martin) at Franco (Jake Cuenca) sa “Ikaw Lamang.”
Ano ang gagawin ni Samuel para makuha ang nararapat na hustisya para sa pagkamatay ng kanyang asawa? Ipagpapatuloy pa rin ba niya ang pakikipaglaban kina Franco at Maximo (Ronaldo Valdez) ngayong nadadamay na ang kanyang mga mahal sa buhay? Paano babaguhin ng pagkamatay ni Mona ang buhay nina Samuel, Franco, at Isabelle (Kim Chiu)?
Huwag palampasin ang mas painit nang painit na eksena sa “Ikaw Lamang,” gabi-gabi, pagkatapos ng “Hawak Kamay” sa ABS-CBN.