
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Apr. 8, 2013) – Todo ang simpatya ng publiko kay United Nationalist Alliance senatorial candidate JV Ejercito Estrada matapos na lumutang sa mga pahayagan na diumano’y inisnab nito ang sariling pamangkin na si Janella sa isang rally ng UNA matapos na makita umano ito sa ABS-CBN.
Mariing itinanggi ni JV ang lahat ng paratang sa kanya at sinabing isang demolition job ito. Sa lumabas sa telebisyon ay hindi ipinakita ang pag-halik ni Janella sa pisngi ng kanyang Tito JV at sa halip ay ipinukol ng camera ang angulo na nakatingin lamang ito sa pulitiko.
“Black propaganda lang iyan dahil malakas na malakas si JV Ejercito Estrada at kahit saan siya magpunta ay sikat siya at palaging top sa mga (pre-election) surveys. Pero suportado siya ng publiko, at kami nga lang ay talagang all-out sa kanya dito sa Pagadian,” ani Cynthia dela Cruz, isang fan ni JV Ejercito Estrada.
Ngunit sa katotohanan ay todo ang suporta ni JV kay Janella – anak ni Sen. Jinggoy Estrada – na tumatakbong konsehal sa San Juan City. Sa katotohanan ay si JV pa mismo ang nag-endorso kay Janella na mapasama sa kanyang partido dahil sa angking kagalingan nito at sinsero sa paninilbihan sa publiko kahit noon.
“First of all, the public must be informed that it was me, personally, who endorsed my niece Janella, to become part of our local party slate. Papaano yon mangyayari na isinama ko sa aming partido tapos hindi ko kakausapin?” tanong pa ni JV.
“May mga litrato at video na makaka-pagpatunay na tinanggap ko ng mainit ang aking pamangkin, simula sa nomination process sa loob ng Partido Magdiwang hanggang sa kasalakuyang kampanyang halalan. I hope Janella, Senator Jinggoy’s daughter, will shed light on this, because I have proof that I never snubbed her,” dagdag pa ng premyadong senatorial bet.
Sinabi ni JV na mataas ang Respeto nito sa mga miyembro ng Pamilyang Estrada at kahit na anong mangyari ay iisa pa rin ang dugong nananalaytay sa kanilang mga ugat.
“At sana naman, si Senador Jinggoy, bago maniwala sa mga kathang-isip ng mga political operators sa media, ay magtanong na din muna, kung hindi nya gusto na direkta sa akin, ay sa mga taong andun mismo sa proclamation rally sa San Juan tulad ng aming ama na si Pangulong Erap na andun mismo.”
“Honestly, I am getting tired of this so-called Jinggoy-JV rivalry.Naniniwala po akong walang namamagitang alitan sa pagitan namin ni Senador Jinggoy. At sana maintindihan ng lahat kung bakit hindi rin kami masyadong close na magkapatid,” sabi pa ni JV.
Isang video ng rally ang nasa YouTube – http://www.youtube.com/watch?v=D1_K6cW8SYk&feature=youtu.be at doon ay makikita na walang naganap na pangiisnab.
Makikita rin sa larawan sa itaas na masayang-masaya ang sina JV at Janella sa posing na kanilang ginawa sa naturang rally.
“Kung sino man ang pilit na gustong palabasing may problema kami ni Senador Jinggoy, na pilit na pinapalabas na palaging ako ang “kontrabida” at “pasaway” dahil sa ako ang kumakandidato sa ngayon, pasensya na po, pero hindi kayo magtatagumpay. Naniniwala akong matalino ang mga Pilipino, na mauunawaan ang lahat ng ito.”
Si JV ang palaging nangunguna sa mga ibat-ibang poll surveys sa bansa at popular saan man itong magtungo kung kaya’t kaya’t kinaiingitan ito ng marami sa hanay ng Team PNoy. (Mindanao Examiner)