COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Nov. 20, 2011) – Isang college student ang dinukot ng mga di-kilalang armado sa bayan ng Aleosan sa North Cotabato province sa Mindanao.
Ayon sa militar at pulisya ay hinila umano si Ronnie Cabaya, 23, nitong Sabado ng gabi sa Barangay Dualing habang sakay ito ng isang pampasaherong motorsiklo. Nabatid pa ng kaanak ni Aleosan Mayor Loreto Cabaya ang biktima, subali’t hindi pa matiyak ang tunay na motibo nito.
Walang pormal na pahayag ang pamilya ni Cabaya at ang posibleng dahilan ng pagdukot sa biktima. Maging ang pulisya ay blangko rin sa mga motibo at hindi mabatid kung may kinalaman ba ito sa mayor ng nasabing bayan o kung ito ba ay kidnapping for ransom.
Nagsasagawa na ng operasyon ang militar at pulisya upang matunton ang kinaroroonan ng mga dumukot at kanilang bihag.
Wala pang umako sa nasabing pagdukot, ngunit tinututukan umano ng pamahalaang lokal ang nasabing kaso at ang kaligtasan ng biktima. (Mindanao Examiner)