
MANILA (Mindanao Examiner / Aug. 23, 2014 – Inatasan ni Interior and Local Government Sec. Mar Roxas ang Philippine National Police – Criminal Investigation at Detection Group na pag-ibayuhin pa ang kampanyang tugisin ang mga Most Wanted Persons na nasa listahan ng PNP.
Sinabi ni Sec. Roxas na bagaman maraming prayoridad ang CIDG dahilan sa sari-saring kaso at krimen na binabantayan nito, dapat aniyang patuloy pa ring paigtingin ng CIDG, sa pangunguna ng PNP-CIDG Special Task Force PIVOT nito, ang paghuli sa mga nasabing Most Wanted Persons.
“Sa bawat krimen na napipigilan natin na maisagawa at sa bawat iligal na gawain na nasasakote natin, nababawasan ang panganib sa buhay ng ating mga kababayan. Nababawasan din ang banta ng karahasan sa ating kapaligiran na maaaring bumiktima hindi lamang sa mga inosenteng sibilyan, kundi maging sa mismong mga operatiba ng pulis at armed forces,” paliwanag ni Roxas.
Kaugnay nito, kinilala ni Sec. Roxas ang matagumpay na operasyong isinagawa ng nabanggit na Special Task Force PIVOT kung saan natunton at na-aresto nito ang tatlo sa mga “high-value” targets, na sinasabing responsable sa ilang kriminal na aktibidad sa Kamaynilaan.
Kinilala ni Sr. Supt. Rudy Lacadin, deputy chief for operations ng PNP-CIDG sa ulat nito kay Roxas, ang tatlong naaresto na sina Alvin Nidua na mula sa Gun-for-Hire Group, at mga kasama nitong sina Joel Palacio at Allan Loreno.
Ani Lacadin, nakilala at naaresto si Nidua matapos makipag-barilan ito sa Taguig City noong Agosto 13, samantalang nahuli naman sina Palacio at Loreno matapos na bisitahin ang sugatang si Nidua sa isang ospital sa nabanggit na lungsod.
Dalawa pa sa naging matagumpay na operasyon ng Special Task Force PIVOT ay ang pagkakahuli sa hinihinalang mga miyembro ng Panga Robbery Hold-up Group na sina Aniceto Dumduya at Uba Tuban, na ilang taon di-umanong nagsagawa ng robbery-holdup operations sa Kalakhang Maynila.
Iniulat din ni Lacadin ang pagkaka-timbog ng PNP sa isang Ethel Bernas na empleyado ng Bureau of Customs na sinasabing sangkot sa robbery-extortion activities sa pamamagitan ng pambibiktima sa mga importers at traders sa NAIA Terminal sa Pasay City.
Muli namang tinukoy ni Roxas ang nauna nitong direktiba kay PNP National Capital Regional Police Office Director Carmelo Valmoria na higit pang palakasin ang kampanya laban sa lahat ng uri ng krimen. Bunsod umano ito ng ulat na marami pa ring lugar sa Kalakhang Maynila ang patuloy na tumataas ang bilang ng krimen.
“Dapat patuloy tayong mag-isip ng paraan kung paano natin mapapalakas ang kampanya natin laban sa kriminalidad. Dapat ring matukoy natin kung kailangan na nating palitan ang ilang paraan ng pulisya sa pagpuksa sa krimen at kung kalian kailangan ng balasahin ang liderato ng PNP sa ilang lugar,” pahayag ni Roxas.
Like us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine