NORTH COTABATO — Dead on arrival sa ospital ang kandidato ng Nacionalista Party pagka-board member sa ikalawang distrito ng Maguindanao habang nasawi naman habang ginagamot sa ospital ang apo nito makaraang pagbabarilin ng ‘di pa nakilalang gunman sa public Market ng Kabacan, North Cotabato, hapon nitong linggo.
Kinilala ang nasawi na si Susan Baldestamon Montawal, may bahay ng dating bise alkalde ng Montawal, Maguindanao at ang apo nito na si Datu Harris Montawal.
Sa impormasiyong nakarating kay P/Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office, nasa palengke ang dalawang biktima matapos na bumili ng mga groceries.
Pasakay na sana ang dalawang biktima sa kanilang sasakyan na Foton Van ng pagbabarilin ng mga suspek, dakong alas-4:00 ng hapon.
Sa ulo tinamaan ang mga biktima.
Bukod sa dalawa ay tinamaan din ang dalawang mga bystander ng ligaw na bala na tiyempong nasa lugar ng mangyayari ang pamamaril.
Mabilis namang isinugod ang mga biktima sa Kabacan Medical Specialist pero di na umabot ng buhay habang ang dalawang mga sugatan naman ay dinala sa Kabacan Polymedic Hospital.
Batay sa ulat, babaeng Montawal ay kandidato ng Nacionalista Party pagka-board member sa ikalawang distrito ng Maguindanao.
Ayon kay PCI Ronnie Cordero, hepe ng Kabacan PNP, isa ang rido sa mga anggulong kanilang tinututukan habang di rin nila isinasantabi ang kaugnayan sa pulitika. (Rhoderick Beñez)