
MANILA – Bukas ang pamahalaan sa mga taong ang nais ay mapayapang paraan tungo sa politikal na reporma sa Mindanao, ayon kay Yasmin Busran-Lao, GPH Peace Panel Member at adviser on Muslims concerns.
Dagdag pa ni Lao, habang pinapalakas ng gobyerno ang relasyon nito sa Moro Islamic Liberation Front bilang partner nito sa pagtataguyod ng kapayapaan sa Mindanao, bukas din ang gobyerno sa mga grupo at indibidwal na nais makibahagi sa politikal na pagbabago sa Bangsamoro Region sa mapayapang pamamaraan.
Tungkol naman sa usapin ng Moro National Liberation Front, ayon sa opisyal, sinusuportahan ng gobyerno ang pagkakaisa ng MILF at MNLF ngunit hindi nila ito maipipilit sa grupo.
Napakalaki umano ang responsibilidad na nakaatang sa mga miyembro ng GPH Panel upang tiyaking ang usapang pangkapayapaan ay magbubunga ng isang epektibong mekanismo at institusyon na akma sa sitwasyon sa Mindanao.
Ngunit sa kabila nito ay tiniyak din niyang nanatili sila matatag at committed para inklusibong partisipasyon ng lahat ng sektor tungo sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.