KIDAPAWAN CITY – Balot pa rin sa misteryo ang pagkamatay ng isang Pinay sa Johor Bahru City sa estado ng Johor sa Malaysia matapos na matagpuan ang sunog na bangkay nito sa kanilang bahay doon.
Patuloy naman ang apela ng pamilya ni Rovelyn Repotente sa pamahalaang Aquino na tutukan ang kaso ng babae dahil sa trahedyang sinapit nito. Nabatid na kasal sa isang Malaysian national ang Pinay na minsan na rin nagsumbong sa kanyang pamilya na diumano’y ikinulong siya ng sariling asawa sa bahay dahil sa matinding selos.
May ulat na isang parak sa Malaysia ang asawa ni Rovelyn na nagsabing pinasok ng mga magnanakaw ang kanilang bahay at saka ito sinunog kasama ang Pinay. Duda naman ang pamilya ng 35-anyos na Pinay na nasa bayan ng Polomolok sa South Cotabato sa bersyon ng asawa ni Rovelyn na nakilalang si Nooraffie Bin Ariffin.
Iniimbestigahan na rin umano ng Johor police ang pagmatay ng Pinay, ngunit wala naman pahayag ang Malaysian embassy sa bansa ukol sa progreso ng kaso. Naganap ang krimen nitong June 2 lamang at hanggang ngayon ay hindi pa naiuuwi ang natira sa bangkay ng Pinay.
Wala rin pahayag ang Philippine embassy sa Kuala Lumpur ukol sa naganap, ngunit sinigurado ng Department of Foreign Affairs na nakatutuok ito sa kaso at tumutulong na maiuwi ang labi ni Rovelyn.
Humihingi naman ng hustisya ang pamilya ni Rovelyn sa naganap sa kanya. Matagal na umanong naninirahan si Rovelyn sa Malaysia, subali’t hindi naman agad mabatid kung may anak ba ito sa kanyang asawa. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News