
SULTAN KUDARAT – Bukod sa wala na umanong permanente o disenteng hanap-buhay at dati ng may masamang reputasyon sa kanilang barangay sa bayan ng President Quirino nitong lalawigan, muli na namang gumawa ng isang eskandalo sa naturan lugar ang isang lalaki na nanutok ng patalim sa kinakasama nito at pinag-tangkaan pa nitong patayin kundi sa maagap na pag-responde ng dalawang parak
Ayon sa pulisya, dakong 7:40 ng gabi kamakalawa naganap ang hostage-taking sa Purok Maligaya sa Barangay Katiku at nakilala ang lalaki na si Alyas “Dagul” Rufino at ang biktima nitong si Celsa (hindi tunay na pangalan.)
Nabatid na ang dalawa ay naging malapit sa pamamagitan lamang ng ugnayan sa “text” sa cellphone. Batay sa nakalap na impormasyon ng Mindanao Examiner, una ng rumesponde ang dalawang parak na nakilalang sina SP02 Darwin Tambasacan at P03 Balong Rufino, kaanak din ng suspek at naging maayos naman ang pag-uusap subalit nang umalis ang mga ito ay nagwala si Dagul at nagulat na lamang ang mga kaharap nito nang hablutin ang babae at sakalin at sabay tutok ng matalas na patalim sa biktima.
Agad namang naki-usap ang ilang kaanak at nang tila hindi paawat ang suspek ay bumalik ang dalawang parak at nang umano ay napansin wala na sa kanyang wisyo si Dagul at tila desidido sa masamang gagawin nito ay agad itong dinakma ng mga alagad ng batas at nagkaroon ng agawan hanggang sa masaktan ang suspek upang mapahinahon lamang at malagyan ito ng posas.
Kasalukuyang nasa piitan ng pulisya sa President Quirino si Dagul habang isang kaso ang ihinahanda ng awtoridad kaugnay sa nasabing insidente habang sa isang banda, ang biktimang si Celsa ay animo tuliro at kina-kitaan pa ng takot sa pangyayari kung saan may mga ilang pasa at sugat ito sa dibdib sanhi ng panunutok ng kanyang live-in partner. (Mindanao Examiner – Rose Muneza)
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.