KIDAPAWAN CITY – Inilagay na sa ilalim ng state of calamity ang buong lungsod ng Kidapawan dahil sa matinding tag-tuyot na ngayon ay nararanasan sa malaking bahagi ng Mindanao.
Ang deklarasyon sa naturang hakbang ay napag-kasunduan ng mga kasapi ng Sanguniang Panglunsod sa isang special session. Lahat ng kasapi ay nakibahagi sa deliberasyon kung magkano at paano gagastusin ang calamity fund sa kabila ng pagkakabalam nito.
Sinabi naman ni Vice Mayor Jun Piñol, na siya ring presiding officer ng Sangguniang Panglunsod (SP), na hindi sila ang dapat sisihin sa pagkabalam sa pagpapalabas ng calamity fund dahil bago lamang umano ito inaksyunan ng tanggapan ng alkalde.
Sa naturang deliberasiyon, nagpasaring si Piñol sa mga kasapi ng SP kaugnay sa paghahanda na ginagawa ng kasalukuyang administrasiyon. Bagama’t hindi naman direktang sinabi ay tinutumbok ng opisyal ang pamunuan ng alkalde na wala umanong paghahanda sa ‘hulaw’ o El Niño dahil wala itong budget para sa development plan.
Dumipensa naman dito si Councilor JivJiv Bombeo, ang may hawak ng Committee on Finance, at iginiit na may nakalatag na paghahanda ang pamahalaang lokal sa pamamagitan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRM.
Katunayan aniya, mahigit P70 milyon ang inilaang pondo ng pamahalaan para sa Disaster at calamity fund. Una na kasing pinagtatakhan ni Mayor Joseph Evangelista ay kung bakit hindi agad inaprubahan ang rekomendasiyon ng CDRRM na ilagay sa state of Calamity ang Kidapawan.
Paliwanag naman ni Piñol na binusisi sa Committee of the Whole ang nasabing rekomendasiyon bago nila ito inaprubahan. Nakita kasi ng ilang mga kasapi ng SP na 6 kilong bigas lamang ang ibibigay na tulong sa mahigit 28,000 pamilya na apektado ng tag-init.
Dahil dito, ipinanukala nila ang 24 kilong bigas pero di umano ito kayang ibigay ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) kung kaya’t naibaba ito sa 11 kilo lamang na mas marami kumpara sa rekomendasyon umano ng tanggapan ng alkalde.
Bukod dito ay mamahagi din daw ng tulong ang provincial government at ang barangay. Inaasahang sa madaling panahon ay mailalabas na ang pondo na aabot sa mahigit P18 milyon. Sinabi naman ni Konsehal Francis Palmones na dapat walang pulitiko na makikisawsaw sa pamimigay ng relief assistance lalo na ngayon nalalapit na ang halalan.
Ayon naman kay Evangelista, tumatalima ito sa ruling ng Commission on Elections na hindi makikisali sa pamamahagi ng mga relief assistance at ipauubaya na lamang ito sa Red Cross at CSWDO.
Pero para kay Piñol, kung sakali mang pangungunahan ni Evangelista ang pamamahagi ng relief assistance dapat ay hindi ito ikasama ng loob nila dahil normal lamang sa isang ama ng Kidapawan na tumulong sa mga naapektuhan ng kalamidad. Gayun paman, hinihiling nito na isali silang mga incumbent official sa distribution ng relief assistance. (Rhoderick Beñez)
Thank you so much for visiting our website. Your small donation will ensure the continued operation of the Mindanao Examiner Regional Newspaper. Thank you again for supporting us. BPI: 952 5815649 (BOPIPHMM) Landbank: 195 113 9935 ( TLBPPHMM)