
MARAWI CITY – Isang diumano’y kidnapper ang napaslang at tatlong kasamahan nito ang sugatan, gayun rin ang isang parak, matapos na magbarilan ang mga ito sa Marawi City.
Naganap ang sagupaan kagabi matapos na umano’y mabawi ng pulisya at militar ang mga dinukot na pawang mga menor-de-edad mula Cagayan de Oro City na 7-taong gulang at yaya nitong 15 anyos.
Nabawi rin sa sasakyan ng mga kidnappers ang P500,000 ransom na ibinayad ng pamilyang Intsik ng bata. Nadakip ang tatlong sugatang kidnappers, kabilang ang isang babae. Dinukot ang mga biktima noon Pebrero 12 habang papasok ang bata sa paaralan.
Nagkaroon umano ng negosasyon ang mga kidnappers at pamilya at nagkaayos sa ransom, ngunit lingid sa mga armado ay nakatutok sa kaso ang mga parak at militar. Nang masigurong ligtas na ang mga biktima ay tinugis ng mga awtoridad ang tumatakas na grupo at nagkaroon ng labanan hanggang sa mapatay sa labanan sa Barangay Matampay si Jun Nasher Barao, 35.
Nabatid na taga-bayan ng Madalum sa Lanao del Sur si Barao, ayon kay Supt. Roel Lami-ing, ang hepe ng pulisya sa Marawi City. Sugatan naman ang parak na si PO3 Jeremy Rivera, ng Cagayan De Oro City Police Office, at nadala ito sa pagamutan kasama ang mga sugatang kidnappers.
Nabawi rin sa sasakyan ng mga kidnappers ang mga sari-saring armas. Kabilang sa mga unit na kasama sa operasyon ay ang Police Intelligence Division ng Region 10, Cagayan de Oro City Police Office, Special Action Force, 103rd Special Action Company at 1st Special Action Battalion ng Philippine Army, at ang Anti-Kidnapping Group ng PNP. (Moh Saaduddin)
Like Us on Facebook: https://web.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share The News
Media Rates: https://mindanaoexaminer.com/ad-rates
Digital Archives: https://issuu.com/mindanaoexaminernewspaper