
MANILA – Kinokondena ng Alliance of Concerned Teachers ang paggamit sa pondo ng taumbayan upang suhulan ang mga senador sa pamamagitan ng Disbursement Acceleration Program o DAP.
Ayon kay Benjie Valbuena, tagapangulo ng ACT, “nakapagngingitngit sa galit ang nangyayaring ito sa gobyerno, mula sa 10 billion pork scam ni Janet Napoles at sa ngayon naman ay panunuhol sa anyo ng DAP.”
“HuliDAP” ito ang nangyari matapos mabuking ng taumbayan ang sistema sa ilalim ng Department of Budget and Management sa pamumuno ni Secretary Florencio Abad na inakusahan ng ACT na kakutsaba ang presidente ng Senado na si Senador Franklin Drilon.
Ayon pa ka Benjie Valbuena, “Maliwanag na ang DAP ay isang anyo ng pork barrel na tanging Malacanang at DBM Sec. Abad ang may kapangyarihan kung saan ito gagastusin, kaya naman madali nilang ginamit ito na panuhol sa mga senador upang i-convict dating si Chief Justice Corona.”
“Kapag kaming mga guro at kawani sa gobyerno ang humihingi ng dagdag na sahod at benipisyo sa gobyerno sinasabing walang pondo o di kaya depende sa savings, ngunit paano na ngayong na pati ang savings ng mga ahensya ay ginamit narin na panuhol ng Malacanang at DBM Sec.Butch Abad” wika pa ni Valbuena sa pahayag na ipinadala nito sa Mindanao Examiner.
“Ipinanawagan namin na dapat na mag resign si Sec. Butch Abad at si Senador Franklin Drilon,” ani Valbuena.