
Mula sa simpleng hamon na post sa social media hanggang sa nabuong mga hinagpis ng mga mamamayan hanggang sa isang pagkilos laban sa pork barrel at buong sistematikong pagnanakaw, pangangamkam, pangungurakot sa loob ng pamahalaan na kinasangkutan ng mga Senador, Kongresista, mga Ahensya hanggang sa Ehekutibong sangay ng pamahalaan ay mas lalong nagpupumiglas ang sambayanan na iparamdam at ipamalas ang puot at galit nito.
Isang malawakang pagkilos ang magaganap sa Agosto 26, 2013 sa buong Pilipinas at maging sa ibang bansa laban sa Pork Barrel system.
Biglaan namang nag-damage control ang Malakanyang sa pamamagitan ng pahayag ni PNoy sa harap ng mga manggagawang media na panahon na daw upang buwagin ang pork barrel. Subalit huli na ang lahat at hindi na nito mapapalamig ang init na dama ng mga mamamayan at mahihirap. Layunin sana ng pahayag ay upang ipakita nanaman sa buong sambayanan na tapat ang Pamalahang Aquino sa “tuwid na daan” nito. Upang makabangon sa kainutilang wala pa ring naipasok sa loob ng kulungan buhat nang ito ay nanungkulan sa pangalan ng “tuwid na daan.”
Dagdag pa ay, ang “tuwid na daan” laban sa kurapsyon kuno ay nakatuon lamang sa mga politico at pamilyang hayagang hindi pa rin bumaliktad at pumabor sa koalisyon umano ng reporma – banat lamang sa mga hindi pa lumipat ng Bangka.
Maliwanag naman na hindi tatanggalin at hindi wawasakin ni Pangulong Noynoy Aquino ang sistematikong kurapsyon at ang mismong pamamahagi ng pabor sa mga TONGresista at SenaTONGs. Ni ayaw nga nito tanggalin ang sarili nitong pork na trilyones ang halaga.
Ang malawakang kurapsyon at ang malawakang pagwawaldas ng salapi ng mamamayan habang may malawak na bilang ng mamamayan ang nagugutom hindi lang naghihirap, walang trabaho, yung karamihan hindi nakakita ng doctor at guro sa kanilang mga lugar at may prosyento pang tatanggap na lamang ng kahit anong bulnerableng hanap-buhay may makain lang ay sumasalamin sa patuloy na pagkanlong ng Pamahalaang Aquino sa eskimang pork barrel ay hindi ito totoo sa sinasabing pangakong bagong Pilipinas.
Mas naging swabe at halos hindi nakikita ang pagnanakaw ng mga alagad ng dilaw na koalisyon dahil sa popularidad ni PNoy na utang naman ito sa malawak na alsang bayan (Peoples’ Power).
Kaya nararapat lamang na magparamdam ng galit ang mga mamamayan lalo na hindi uli magagamit at magpagamit sa mga political at self-claimed social figures mula sa burgisya at kapitalistang hanay. Harap-harapang pinag-nakawan si Juan, Maria, Timuay at Abdul.
Mas ikakabuti ang makulay na pagkilos subalit patas at pareho ang pag-unawa sa respeto at pagkakaisa para sa pagbabago.
Hindi sapat na nagpahayag si PNoy. Lalong hindi sapat na mabasura lang ang PDAF/Pork Barrel. Kailangang magamit sa tunay na esensya ang Intelligence Fund mula sa buwis ng mamamayan upang mahuli si J. Napoles at gamitin ang pundo ng Department of Justice (mula uli sa kaban ng bayan) at iba pang mga sangay at ahensya na kumukuha ng pundo mula sa mamamayan. Kailangan may managot, maparusahan at upang mapakinabangan ng mamamayan!
Tanggalin at buwagin ang pork barrel system! Ibuhos sa serbisyong sosyal! Itatag ang mga development councils sa bayan, lunsod at kanayunan upang maseguro ang paglahok ng mga mamamayan sa pagbuo at pagbalangkas ng programa at serbisyong panlipunan at paggamit at pagseguro sa pundo ng bayan!
Lumahok sa Pagkilos laban sa Kurapsyon! Lumahok sa Pagkilos laban sa Tunay na Pagbuwag ng Pork Barrel System! Lumabas sa Agosto 26, 2013 at magparamdam!
Liga ng Makabagong Kabataan
Mindanao, Pilipinas
lmkabataan@yahoo.com.ph