
Dear Editors,
Batay sa bagong inilabas na ulat ng isang socio-economic independent research, IBON FOUNDATION (Yearend report 2013: Deepening crisis and Disillusionment) di maitatanggi na lalong nalalagay sa papalala ang kasalukuyang sitwasyon ng buong bansa sa usapin ng pagkakaroon ng mga batayangkarapatan ng mamamayan, katulad ng pagkakaroon ng desinteng hanap buhay at trabaho, pasweldo na sapat sa pangangailangan ng bawat pamilyang pilipino, at pagkakaroon ng karapatang mabuhay na mayroong kakayahang umunlad sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sariling lupang sinasaka at Lupang panirikan, lalo na ng buong mamamayan na naghahanap ng tunay na pagbabago.
Ikinagulat pa ni Pangulong Aquino ang pagkakatala ng SWS survey na mayroong 12.1 Million Filipino ang walang trabaho, ito’y sa kabila ng kanyang pagsisiwalat sa buong madla tungkol sa paglakas ng ekonomiya sa larangan ng foreign and local investment na naghatid ng 7.8% sa antas ng ating pangkabuohang GDP ng bansa. Samantalang, sa totoong epekto nito, tila walang silbi para sa mga ordinaryong mamamayang magsasaka na nasa larangan ng agrikultura at mga manggagawa sa larangan ng edustriya.
Sa hanay ng mga magsasaka sa kanayunan, kalakahan sa kanila ay nanatiling walang sariling lupa na sinasaka habang ang mga pamilyang malalapit at kaibigan ng mga Pinuno ng bayan kasama na ang pamilyang Aquino ay patuloy na umaangkin ng lupain at mga hacienda na sobra sobra sa kanilang pangangailangan.
Hiramin natin ang kalagayan ng ating mga kababayan na mga magsasaka at mangingisda sa Brgy. Sta. Mercedez (formerly Brgy. Patungan) sa bayan ng Maragondon, Cavite. Na humaharap ng matinding hamon o pagkawala ng kanilang mga tahanan at lupang panirikan. Matagal ng naninirahan ang kalakhan ng mga mamamayan sa Brgy. Sta. Mercedez (formerly Brgy. Patungan) subalit nanatiling
wala silang karapatang manatili, umangkin at manirahan sa lugar na kanilang tinitirhan, bagay na nagpapakita ng kawalang seryoso ng pamahalaan na tugunan ang kanilang kasalukuyang kalalagayan at pangangailangan sa usapin ng kanilang mga batayang karapatan bilang lihitimong mamamayan ng
ating bayan.
Ayon sa datus nito, mayroong halos lampas sa 800 ka pamilya ang nakatira sa Brgy. Sta. Mercedez na nakaambang e-demolish at burahin sa mapa ng bayan ng Maragondon, Cavite, upang pagbibigay daan ang sinasabing kaunlaran daw diumano sa pamamagitan ng eko-turismo at sa pagbibigay karapatan ng pamahalaan sa mga mayayaman na walang layunin kundi umangkin ng lupa at sirain ang maraming buhay ng ating mga kababayan.
Samantalang walang malinaw na mapaglilipatan ang 800 ka pamilya na nakatira dito, at kung mayroon mang sinasabing paglilipatan, ayon sa mga mamamayan mismo ng Sta. Mercedez, hindi ito ang tugon sa kanilang kahirapan na nararanasan, sapagkat ito’y kanilang babayaran sa halagang hindi naman nila kaya, bagkus lalo pang magdadala sa kanila doon sa lubhang nakakarima-rimarim na kahirapan at kalalagayan kung saan ang kawalang paggalang sa kanilang mga karapatan bilang mamamayan ang patuloy na nararanasan.
Katunayan, sa hayag na pagtutol ng mga mamamayan sa naturang lugar, dalawa sa mga lider magsasaka at mangingisda na sina William Castillano at Lorenzo Obrado ang walang awang iniresto ng mga Pulis Cavite at mga sundalo bitbit ang kultura ng impunidad (impunity) sa pamamagitan ng pagpaparatang ng mga gawa-gawang kaso na pawang kasinungalingan tulad ng illegal possession of fire arms, na ayon mismo sa testimonya ng kanilang mga anak at kapitbahay, ay malinaw na mga planted lamang, sapagkat ayon sa kanilang tunay na testimonya, Papaano kami makabili ng mga armas na ipinatong nila sa amin, samantalang, maski pambili ng bigas at ulam sa araw-araw naming pagkain ay lubhang napakahirap nang kamtin dahil sa sobrang kahirapan, Armalite pa kaya?
Ayon sa inisyal na datus na nakalap mismo ng mga magsasaka at mangingisda sa naturang lugar, mga organisasyong may malasakit sa karapatang pantao at ng mga independenting nagsasaliksik, mayroong 602 hectares na sukat at laki ang buong lupain na inaangkin lamang ng isang pamilya, (Maria Teresa Virata) habang ang mahigit 800 pamilya na nakatira na naturang lugar ay walang kakayanang kumuha at umangkin ng kahit kapiraso man lamang para mapagtirikan ng kanilang sariling tirahan.
Ang mas masaklap, tinanggalan ng karapatang mamuhay ng tahimik ang mga mamamayan sapagkat ang mga pribadong nag mamay-ari nito ay nagpapadala ng mga armadong security guard, na siyang patuloy na lumalabag sa karapatan ng mga tao na mamuhay ng tahimik at payapa. Isa lamang ito sa mgahalimbawa na kumunidad ng Brgy. Sta. Mercedez (formerly Brgy. Patungan) sa kabuohang suliranin ng maraming magsasaka at mangingisda sa buong bansa na sa kasalukuyan ay patuloy na pinagkakaitan ng mamuhay na mayroong dignidad at karapatan.
Sang ayon sa ulat ng Karapatan (Alliance for the Advancement of People’s Rights) sa kanilang 2013 Year End report, nakapagtala ng kabuohang rekord na 281,674 na mga paglabag sa karapatang Pantao mula July 2010 hanggang December 2013, kabilang na dito ang enforced disappearances, forced eviction and demolition, illegal arrest and detention, illegal arrest without detention, frustrated extrajudicial killings, torture, rape at ang kahindik hindik na rekord sa extrajudicial killings na umabot sa 169 na buhay ng tao ang pinaslang sa ilalim ng pamamahala ni Benigno “Pnoy” Agunino III (2013 Karapatan year-end report on the Human Rights situation in the Philippines pg. 2-3 & 6) malinaw na kahit ang Universal Declaration on Human Rights na nilagdaan ng Pilipinas ay nababahura at winalang paggalang ng ating mga Autoridad.
Sa article 2, section 11 ng ating Philippine Constitution ay nagsasaad ng ganito, “The State values the dignity of every human person and guarantees full respect for human rights”, at ang sinasabing values the dignity of every person and guarantees full respect in Human Rights para sa akin, ay ganap na pagrespeto sa buhay ng bawat isa, hindi lamang sa aspeto ng kanyang pulitikal na paninindigan, kundi maging ng kanyang sosyal na intigridad, ng kanyang buhay na mayroong kaayusan, isang buhay na mayroong kapayapaan at ng pagkakaroon ng isang disenting buhay na naayon sa prinsipyo ng hustisya. Gayon din, ang pagsasabing ito’y tungkulin at dapat pahalagahan ng isang Estado o state ay ang tiyakin ang mga batayang karapatan ng bawat mamamayan, lalo na sa serbisyong pambubliko, tulad ng libreng edukasyon, libreng serbisyong pangkalusugan (healthcare), libreng pabahay, transportasyon, at higit sa lahat, iginagalang ang karapatan ng bawat mamayan sa balangkas ng pulitika, ekonomiya at sosyal na marapat at dapat na nakikita (invisible) at ipinapatupad ng mga namamahala sa ating bayan.
Ang isa sa pinakamatinding paglabag na nagaganap sa ating bansa batay sa isinasaad ng ating Saligang Batas ay ang hindi pagbibigay prioridad sa kapakanan at karapatan ng ating mga pangunahing pwersa sa produksiyon tulad ng mga manggagawa sa pabrika, samantalang sa probisyon ng ating Saligang Batas ay napakalinaw ang sinasabi, Article 2, Section 18. The State affirms labor as a primary social economic force. It shall protect the rights of workers and promote their welfare.” subalit kabaligtaran ang nagaganap sa mga pagawaan kung saan binibigyan ng Estado ng paborableng kalalagayan ay ang mga namumuhunan at private sectors na mga negosyante, katunayan sa bisa ng Department of Labor and employment order DO no. 18-02, ay lalo pang nagpapalawig sa contractualization culture na siyang kasangkapan sa mga paglabag sa batayang karapatan ng mga manggagawa.
Kung seryoso lamang ang ating mga namumuno na isaalang alang ang kapakanan ng ating bayan at mamayan nito, tila sapat na para sabihin nating ang kaunlaran ay magbubunga ng kapayapaan na nakaugat naman sa karapatan at katarungan na iiral sa bayan.
Sa kasalukuyan, napakasariwa ng usapin sa muling pagpapapasok ng mga tropa ng Americano upang gamitin ang mga pasilidad ng ating bansa, pero ang tanong, bakit hindi muna pagtutuonan ng pansin ang ugat ng kahirapan kaysa laging ipamukha ng gobyerno sa US na tayo ay isang gamitan? Bakit ayaw pakinggan ng mga pinuno ng gobyerno ang sigaw ng mga naghahangad ng pagbabago? Bakit ayaw tingnan at suriin ang dahilan ng napakalalim na tunggalian sa bansa? Bakit hindi unahin ang resulbahin muna ang malawakang paglabag sa karapatang pantao, kaysa makisawsaw sa laro ng Tsino at Americano?
Maliwanag na mas abala ang pamahalaan kasama ang mga pinuno nito na buhusan ng mahabang panahon ang pakikipag usap sa United States Congress para sa dagdag na pagpasok ng mga sundalong Amerikano kaysa tugunan ang kahirapan ng bayan lalo na ng mga kababayan na walang pag-asa at lugmok sa kahirapan.
Humihiyaw ang bayan sa hapag ni President “Pnoy” na patunayan niya ang kanyang mga sinasabing maglingkod siya sa totoong bayan niya, yaong bayan na naghihikahos, yaong bayan na nagdurusa sa mga suliranin, yaong bayan na nabunsod sa kurapsiyon at ang bayan na nagdurusa sa hindi malirip na kahirapan. Dagdag pa rito, mas lalo pang lalabagin ng pamahalaan ang ating Saligang Batas kung patuloy na isusulong ng mga pinuno ang pagpasok ng mga sundalong Americano sa bansa.
Tila hindi na tayo natuto sa karansan at kasaysayan ng ating bayan, na ang mga humamak at patuloy na nanghahamak sa bayang pilipino ay yaong mga dayuhang bansa na sumisira sa ating intigridad at siberenya, at yaong mga dayuhan na humakot at kumakamkam sa ating sariling yaman, habang iniiwanan ang ating mamamayan na hikahos at walang pag-asa na umahon sa buhay.
Bagaman, marami sa ating mga kababayan ang hindi masyadong familiar ang Constitution maging ang mga international covenant na naglilinaw sa soberenya ng bawat estado at sa aking pagkakaunawa, dapat igalang ng ibang bansa ang soberenya ng isang bansa katulad ng Pilipinas. Sa Article 2, Section 7. ng ating Constitution, ganito ang pagkakasulat “The State shall pursue an independent foreign policy. In its relations with other states, the paramount consideration shall be national sovereignty, territorial integrity, national interest, and the right to self-determination.” na para sa aking pagkaunawa, hindi dapat panghimasukan ng ibang bansa ang integrity at self-determination ng ating bansa at lalong walang karapatan ang mga pinuno na lumabag nito sa diwa ng kanilang sariling interes at interpretasyon sa batas.
Sa International Covenant on Civil and Political Rights, malinaw ang definition ng isang selfdetermination, na ayon sa Article 1, section 1 All peoples have the right of self-determination. By virtue of that right they freely determine their political status and freely pursue their economic, social and cultural development. Sa aking pananaw, ang tinutukoy na peoples ay ang bansa mismo, ang bayan mismo o ang mamamaya mismo na mayroong sariling pamahalaan, katatayuan sa ekonomiya, pulitika at kultura na mayroong karapatan na tumindig sa sarili at huwag umasa sa kuko ng ibang bansa. Nasaan ang karapatan mo? Karapatan ko? Karapatan namin? karapatan nating lahat bilang bansa na mayroong sariling integridad, pagkakilanlan, at kasarinlan?
Sa sariling definition ng Universal Declaration of Human Rights, malinaw na ang karapatang Pantao “human rights” ay tumutukoy sa diwa ng ating pagiging tao na kasama ng kapwa tao at nagsasalarawan tungkol sa usapin ng buhay ng tao, ng kanyang pagkatao, ng kayang responsibilidad sa kapwa tao, at higit sa lahat ng kanyang karapatang mabuhay ng mayroong tiyak na dignidad at may pagkakapantay pantay sa lahat ng aspetong pampulitika, pang-sosyal at pang-ekonomiya.
Sa madaling salita, ang karapatan ay pananagutan at tungkulin ng bawat estado na ito’y igalang at itaguyod lalo na sa pagsusulong ng kaunlaran sa lipunan upang magkaroon ng malinaw na kaunlaran, kaayusan at kapayapaan na naglilingkod sa interes na buong mamamayan at nakabatay sa pundamental na prinsiyo ng katarungan ng bayan.
Ibig sabihin, Wala paring paggalang sa Karapatang Pantao kung patuloy nating nakikita ang katulad ng mga mamamayan sa Brgy. Sta. Mercedez na nakakaranas ng pagpapahirap mula sa kamay ng mga may kapangyarihan, at higit sa lahat, walang paggalang sa karapatan kung ang kanilang pundamental na pangangailangan ay patuloy na binabaliwala ng pamahalaan.
Wala paring paggalang sa karapatang pantao, kung ang 12.1 million Filipino ay nanatiling walang trabaho at ang kanilang mga pamilya ay nananatiling hikahos at walang pag-asang umahon sa hirap. Wala paring paggalang sa karapatrang pantao, kung karamihan sa ating mga nagsisipagtapos ng kolehiyo ay hindi makakapasok ng isang desinteng trabaho batay sa kanilang pinag-aaralan, Wala paring paggalang sa karapatang pantao, kung ang kalakhan sa ating serbisyong pampubliko ay patuloy na pinababayaan at ipinasasakamay na lamang ng mga malalaking negosyante at isinantbi na ang pagbibigay halaga doon sa paglilingkod sa milyon milyon nating kababayan.
Wala paring paggalang sa karapatang pantao, kung ang mga nagpapahayag ng pagbabago sa lipunan ay patuloy na hindi pinakikinggan,at ang kahirapan na ugat ng lahat ng tunggalian sa lipunan ay hindi natutugunan.
Ito ay isang hamon para sa buong mamamayan pilipino, upang suriin ang bawat angulo ng ating lipunang ginagalawan.
Pastor June Ver Mangao
Ecumenical Movement for Justice and Peace
(2012.jvfm.06@gmail.com)