
ANG MALAWAK na galit ng mamamayan at mga protestang masa laban sa pork ay nagtulak sa gubyerno ni BS Aquino na magsampa ng mga kaso laban sa ilang senador at mga kasamahan nila sa pork barrel scam. Kapos at selective ang “hustisya” — layunin nitong iligtas si Aquino at mga kaalyado nito sa pananagutan sa pork at ituon lamang ang kaso sa ilang kalaban nila sa pulitika.
Hindi madadala sa mga dramang ganito ang mamamayan. Buking na ang istilo ni Aquino na isangkalan ang mga kalaban nito sa pulitika para magpostura na “anti-kurupsyon,” habang patuloy naman ang mga kaklase, kapartido at kabarilan nito sa pangungulimbat sa kabang bayan. Malinaw sa bayan na hindi seryoso si Aquino sa pagpapanagot sa mga kurakot, kahit nga ang kaso ni Gloria Macapagal Arroyo, ibinabasura na unti-unti ng gubyernong ito at binibigyan pa si Arroyo ng ispesyal na mga pribilehiyo.
Galit ang taumbayan sa kitang-kita na espesyal na pagtrato ng administrasyon sa mga sangkot sa pork scam, lalo na ang pagtatakip nito at pagliligtas sa kanyang mga kaalyado.
Lantad na sa bayan ang pananagutan ng gubyerno ni Aquino sa pagpapanatili ng pork barrel at pagtatakip sa mga kaso ng pagnanakaw sa gubyerno. Nabunyag na matagal nang alam ni Aquino ang mga listahan at kaso hinggil sa pork, kasama ang kanyang mga kaalyado at mga miyembro ng gabinete sa pangunguna ni Butch Abad, Proceso Alcala at mga susing lider ng Liberal Party ni Aquino.
Hindi inalis ni Aquino ang pork barrel sa kongreso at pinagtanggol pa ang sarili nitong panuhol na Disbursement Acceleration Program (DAP). Samantala, nasa higit isang trilyon pa rin ng kabuuang badyet ang pondong lump-sum na direktang hawak ng pangulo. Patuloy din na pinagtatakpan ang mga kaso ng maanomalyang mga kontrata sa Public-Private Partnership at mga kickback ng mga kasapi ng gabinete nito, halimbawa, sa MRT.
Nananawagan ang mamamayan na lahat ng sangkot, kabilang si pork barrel king Aquino at kanyang mga kaalyado, ay managot sa krimen nila sa bayan. Ang panawagan ng bayan ay malinaw: pagtatanggal ng sistema ng pork barrel. Kung hindi lahat ay mananagot, hindi matatanggal ang sistemang ito, lilipat lipat lang ng kamay.
Magtutuloy-tuloy at lalaki pa ang mga pagkilos para tiyaking makakamit ng bayan ang katarungan at makabuluhang pagbabago. Higit na lumalakas ang panawagan at pagnanais ng bayan na patalsikin si Aquino, ibagsak ang burukrata kapitalismo at baguhin ang bulok na sistemang kurap at kontra-mamamayan.