
ANG CENTER FOR WOMEN’S RESOURCES (CWR) ay sumasang-ayon na dapat bigyang pugay ang katatagan at kagalingan ng kababaihang Pilipino. Kung tutuusin, ang pagbibigay-pugay sa kababaihan ay hindi lamang sa Marso 8, sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, kundi sa araw-araw na pagpupunyagi nila para mabuhay at mapaunlad ang kanilang potensyal.
Araw-araw, kailangan ng kababaihan na makipagbuno para lamang may mahanap na pagkain, disenteng trabaho, at de-kalidad na panlipunang serbisyo. Mahigit isang milyong kababaihan ang walang mahanap na trabaho. Mahigit dalawang milyon naman ang binibilang na “unpaid family worker”. Sa mga nakakahanap ng trabaho, 35% sa kanila ay nasa mababang antas na binibigyan ng sahod na ₱150.00 sa average.
May 23.7 milyong mahihirap na Pilipino resulta ng kawalan ng kabuhayan sa kanayunan at oportunidad na makapagtrabaho. Walang rekurso para makakuha ng disenteng bahay, masustansyang pagkain, makapagtapos ng pag-aaral, at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Dahil sa walang matino at maagap na katugunan ang pamahalaan para sa pangangailangan ng kababaihan, nasasadlak sila sa karahasan. May 11 nanganganak ang namamatay sa araw-araw. May isang babae na nabubugbog kada 31 minuto. May isang babae o bata na nagagahasa kada oras at 21 minuto. May isang babae o bata na naha-harassed kada 2 oras at 25 minuto.
Noong nakaraang taon, ang Eastern Visayas, isa sa mga rehiyon na may pinakamataas na tantos ng kahirapan ay sinalanta ng bagyong Yolanda. Dahil sa kahirapan, walang sapat na sariling rekurso ang mamamayan para makaagapay sa sakuna. Higit kailanman, ang pagsisilbi at ayuda na galing sa pamamahalaan ni Pres. BS Aquino ang sana’y nakatulong sa kanila.
Pero ano ang nangyari? Sa mabagal at di-sapat na pagtugon o kawalan ng pagtugon ay napatunayan ang pagwawalang-bahala ni Pres. BS Aquino sa mamamayan, lalo na sa mga nasa mababang saray ng lipunan. Ayon sa mga kababaihang nakaligtas sa bagyong Yolanda, tatlong araw na matapos ang sakuna nang dumating ang relief goods mula sa gobyernong Aquino. Nauna pang dumating ang trak-trak na puno ng sundalo – kasama ang mga Amerikanong sundalo – para diumano’y proteksyon sa kaguluhang nangyayari at sa kumakalat na pananakot na may mga nakawalang bilanggong pumapasok sa kabahayan at nanggagahasa ng kababaihan.
Imbes na bigyang pondo ang mga nasalanta para makapagpatayo ng kanilang bahay, nagpasya ang gobyernong Aquino na ito na gumawa ng bunkhouses na aabot sa halos isang milyon bawat isa, gayong kasinglaki lamang ito ng mesa ng pingpong. Bukod pa dito, pinagbawalan pa nitong magtayong muli ng kabahayan ang mga residente sa malapit sa dagat, pero puwedeng pagtayuan ng mga kumpanya ng resort. Imbes na magbigay ng binhi at iba pang kagamitang pang-araro sa mga magsasaka, ibinuyangyang ng gobyernong Aquino ang buong rehiyon sa 18 malalaking kumpanya nina Ayala, Pangilinan, Aboitiz, Sy, Tan, at iba pa na kabilang sa 50 pinakamayamang pamilya ng bansa. Ang mga pinakamayamang ito, na kumakain ng 25% ng ating GDP, ang siya ring ka-partner ni Pangulong BS Aquino para sa kanyang programang Public-Private Partnership.
Ngayon, pagkatapos ng higit 100 araw mula ng sakuna, wala pa ring kaayusang makikita sa kalakhan ng Eastern Visayas. Dahil sa kagutuman at walang mahanap na oportunidad sa lugar, may mga nabalitang mga kabataang babae na naging biktima ng trafficking.
Sa maraming nagdaang krisis at kalamidad ng 2013 lalo na ang bagyong Yolanda, napagtanto at napatunayan ng kababaihan na ang lakas ng mamamayan ang siyang tanging makakapagpabangon sa kanila at sa kanilang pamilya. Naging malinaw sa kababaihan na sa gitna ng krisis at kalamidad, tanging ang lakas ng bawat isa sa kanila sampu ng mamamayan ang maaasahan. Ang mamamayan ang kaagad na sumuporta at kumalinga sa kanila noong militarisasyon sa Zamboanga, lindol sa Bohol at Cebu, at sa bagyong Yolanda. Sa tulong ng bawat isa, unti-unti silang bumabangon.
Marapat lamang na bigyang pugay ang katatagan ng kababaihang Pilipino. At ngayon, higit kailanman, marapat nilang siingilin ang isang gobyernong nag-abandona at nagpabaya habang sila ay lugmok sa mga naranasang kalamidad. Para sa kababaihan, tama na ang mga salita’t retorika. Kailangan nila ang kongkretong aksyon na sasagot sa kanilang pangangailangan sa trabaho, pagkain, at panlipunang serbisyo. Kaya ang “pag-arangkada tungo sa minimithing malawakang kaunlaran” ay malayo pang matatamasa ng kababaihang anakpawis hangga’t hindi binibigyang prayoridad ng gobyernong Aquino ang kanilang pangangailangan at kagalingan. (cwrgrl@gmail.com)