
MAGUINDANAO (Mindanao Examiner / Mar. 16, 2013) – Laking tuwa na lamang ni Aling Linang Disalungan nang matanggap na nito ang maliit na gilingan ng kape mula sa kanyang hiling na tulong na pangkabuhayan.
Dagdag kita daw ito sa kanilang mag-asawa kung saan ay halos kakarampot na salapi lamang ang naiuuwi ng kabiyak mula sa pangingisda at pag-tatanim ng mga seaweeds o agar-agar sa Sitio Calutan sa Baranggay Making sa bayan ng Parang.
“Niri-retail lang din namin ang kape matapos lutin at gilingin dito sa amin at makakatulong talaga ito ng malaki sa aming mag-asawa at pamilya,” ani aling Linang sa Mindanao Examiner.
Kamakailan lamang ay binisita nina ARMM Gov. Mujiv Hataman at Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu ang liblib na bahagi na ito ng bayan ng Parang upang ilunsad ang kanilang programang HELPS o Health, Education, Livelihood, Peace and Security intervention para sa mga komunidad na mas higit na kailangan ng serbisyo ng pamahalaan.
Convergence of projects ito kung ituturing dahil halos lahat ng ng mga special projects na tumpak sa nasabing kumunidad ay ilalaan na serbisyo sa lugar. Kabilang sa mga ahensyang kasama doon ay ang Department of Health, Department of Education, Department of Interior and Local Government, Department of Public Works and Highways, Department of Agriculture and Fisheries, Department of Environment and Natural Resources, National Statistics Office, Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines at iba pa.
Maituturing rin na isa ito sa mga kumunidad na tila nakaligtaan na ng pamahalaan dahil sa layo at hirap na rin sa kalsadang papasok sa nasabing sitio. Ngunit hindi naman ito balakid sa sinserong serbisyo na mas higit na kinakailangan ng lugar at sa pagpupursige ni Hataman na maihatid doon ang pangangailangan ng mga mamamayan.
Kasama ang buong mga kinatawan ng ibat-ibang line agencies ng ARMM ay nilakad lamang nina Hataman at Mangudadatu ang mahigit sa isang kilometro at mabato, at sira-sirang kalsada.
“Sulit naman ang pagod natin dahil kahit papano ay nasusuklian ng ngiti ng mga taong naserbisyuhan at ang importante ay nakasalamuha natin ang lahat ng mga taong nangangailangan ng tulong at nailapit natin ang pamahalaan sa kanilang lahat,” sabi pa ni Hataman.
Nasambit naman ni Mangudadatu na higit sa ano pa man ay napatunayan ng lahat ang pagbabagong dala ng Maguindanao at ARMM para sa “tuwid na daan.”
“Ito yung pangarap ko na kung saan malaya natin napapasyalan ang mga liblib na lugar ng walang pangamba laban sa karahasan, hindi ka napapalingon sa likod or tagiliran na tila ba may panganib sa iyong dinadaanan, bagkus binabati ka ng mga taong nakangiti at tinatanggap ng mainit ang programa ng pamahalaan sa mga kumunidad, sana magtutuloy-tuloy na ang ganito hanggang sa susunod na mga panahon,” ani Mangudadatu.
At dahil nga sa hirap ng lugar at kawalan ng kuryente, gumamit lamang ng megaphone ang grupo nina Hataman at Mangudadatu sa programa at ginawang entablado ang mga upuang plastic sa kanilang pagsasalita.
Nagsama-sama rin ang lahat sa pananghalian – boodle fight – kung tawagan na kung saan ay nakalatag sa dahon ng saging at inilagay sa mahabang lamesa ang pagkain at nag-kamayan ang lahat sa may dalampasigan.
Hindi ito ang unang beses na nagsanib puwersa ang dalawang gobernador sa kanilang HELPS project.
Kamakailan lamang ay nagtubngo rin ang dalawa sa Barangay Tubak sa bayan ng Ampatuan na sentro ng kumunidad ng mga katutubong Dulangan-Manobo sa boundary ng kabundukan ng lalawigan ng Sultan Kudarat.
Naiyak naman sa kanyang talumpati ang punong barangay ng Tubak na si na Mario Kadingilan dahil sa buong kasaysayan ng kanilang tribo ay ngayon lang sila binisita ng mataas na lider at nagdala ng pag-asa at mga serbisyo sa kanila.
“Ngayon lang namin naramdaman na bahagi pa pala kami ng ating pamahalaan, hindi namin masukat ang aming kaligayahan ipinaramdam nila sa amin,” ani Kadingilan sa hiwalay na panayam.
At katulad sa ibang mga HELPS project, namudmod rin sina Hataman at Mangudadatu ng mga seedlings tulad ng rubber clones, fruit at palm trees; at ipinayos rin ang mga kalsada at sinuportahan ang pangkabuhayan ng mga kumunidad, naglagay rin ng mga midwives at volunteers doon at pina-ilawan ang lugar gamit ang mga solar panels at maging ang patubig sa sitio ay ipinalagay na rin. (Mindanao Examiner. Raj Maharlika)