
MANILA (Mindanao Examiner / July 11, 2014) – Mariing kinondena ng grupong Hustisya ang pagpaslang sa isang lider-magsasaka sa Bicol kaninang umaga, ayon sa Hustisya.
Ayon sa mga inisyal na ulat ng Karapatan-Bicol, binaril ng dalawang lalaking nakasakay ng motorsiklo si Edgardo Lopez, 40, magniniyog, sa tapat ng isang tindahan sa Barangay Mayon sa bayan ng Daraga sa Albay. Nagtamo si Lopez ng tatlong tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Si Lopez ay pangulo para sa probinsya ng Albay ng Bicol Coconut Planters Association Inc. (BCPAI), kaalyadong organisasyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Isa ang BCPAI sa mga samahan ng magsasakang nananawagang ibalik ang nakaw na pondo na tinaguriang coco levy funds sa maliliit na magniniyog.
Bago bawian ng buhay sa ospital, sinambit ni Lopez ang mga katagang “Army an nagbadil sako (Army ang bumaril sa akin).”
“Nananawagan kami na kagyat na imbestigahan ang pagpaslang kay Lopez at naniniwala kami na mga militar lang ang may motibong pumaslang sa kanya, dahil sa kanilang paglaban na ibalik sa kanila ang pondong ninakaw sa maliliit na magniniyog. Dapat silang managot,” ani Cristina Guevarra, pangkalahatang kalihim ng Hustisya, sa ibinigay nitong pahayag sa Mindanao Examiner regional newspaper.
Ayon kay Vince Casilihan, tagapagsalita ng Karapatan-Bicol, bago paslangin si Lopez ay may naiulat nang kaso ng harassment sa kanya.
Noong April nitong taon, pinalibutan ng mga sundalo ng 901st Infantry Brigade ang bahay ni Lopez dahil may mga itinatago raw itong mga NPA. Sinabihan din umano ng mga sundalo si Lopez na tigilan na ang pagsama sa mga rally at pagsuporta sa NPA dahil may masamang mangyayari sa kanya.
“Karumal-dumal ang mga krimen ng gobyernong Aquino. Ipinagtatanggol ang mga mandarambong at magnanakaw, pagkatapos pinapatay ang mga ordinaryong mamamayan gaya ng mga magsasaka. Habang abala ito sa pagtatakip sa kanyang mga alipores sa Disbursement Acceleration Program o DAP, tuloy-tuloy ang kampanyang panunupil ng gobyerno laban sa mamamayan,” sabi pa ni Guevarra.
Mayroon nang 204 biktima ng extrajudicial killings sa ilalim ng gobyernong Aquino. Ayon kay Guevarra, nagpapatuloy ang pagpaslang sa loob ng apat ng taon ni Pangulong Benigno Aquino, hanggang ngayon na nalalapit na ang ikalimang State of the Nation Address (SONA).
Noong 2010, isang lider-magsasaka rin ang pinaslang ilang linggo bago ang unang SONA ni Aquino. Pinaslang si Pascual Guevarra, isang 78-anyos na lider magsasaka sa Laur, Nueva Ecija noong Hulyo 9. Ni isa sa daan-daang biktima ng pamamaslang ay walang nakatikim ng hustisya, ayon pa sa grupo.
“Tama na ang pagmamalinis. Mapa-pork barrel, mapa-DAP o mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, puro paghuhugas-kamay si Aquino. Duguan ang kamay ni Aquino. Hindi na kami papayag na makatakas si Aquino at mga alipores niya sa mga kasalanan nila sa mamamayan,” ani Guevarra.
Sinabi pa ni Guevarra na sasama ang Hustisya sa mga gtupong magmamartsa sa malaking rali sa araw ng SONA sa Hulyo 28.