
DAVAO CITY – Hawak ngayon ng militar ang isang mataas na lider ng New People’s Army matapos itong maharang sa isang checkpoint sa Tagum City sa Mindanao.
Kinumpirma ito sa Mindanao Examiner regional newspaper ni Capt. Alberto Caber, ang spokesman ng Eastern Mindanao Command, at nakilala ang lider na si Dominiciano Muya na nadakip kamakailan lamang sa Barangay Mankilam.
Nabawi sa rebelde ang isang pistola at granada at sari-saring mga dokumento. Nakamotorsiklo lamang ito at nagiisa ng masakote ng mga sundalo at parak matapos na makatanggap ng impormasyon na daraan sa lugar si Muya at agad na naglagay ng checkpoint sa magkabilang dulo ng barangay upang masigurong hindi ito makakatakas.
Sinabi ni Caber na kabilang si Muya sa military order of battle at may pabuya rin itong halos P5 milyon dahil sa mga kasong kinasasangkutan ng rebelde. Kabilang dito ang pagapatay sa dalawang parak na sina PO1 Marito Correos at PO1 Rey Ejercito sa Agusan del Sur province noon June 2004, at kay army Lt. Lucresio Julampong, Jr, sa Davao Oriental province noon 2009.
Si Muya ay kabilang sa regional staff ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army Executive Committee sa Mindanao.
Pinuri naman ni Lt. Gen. Aurelio Baladad, hepe ng Eastern Mindanao Command, ang mga sundalo at parak sa pagkakadakip kay Muya. Ayon kay Caber ay ipinag-utos rin ni Baladad ang puspusang operasyon kontra NPA upang madakip ang mga lider nito sa lalong-madaling panahon.
Matagal ng nakikibaka ang NPA upang maitatag ang sariling estado sa bansa. Ang kaguluhan sa bansa bunsod ng communist insurgency ang siyang pinakamahaba sa buong mundo. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com and http://www.mindanaoexaminer.net