NORTH COTABATO — Bangkay na ng matagpuan ang isang 63-anyos na lolo matapos na makitang palutang-lutang ng mga residente sa Marbol River, brgy. Gubatan, Magpet North Cotabato kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Rafael Diez Coquille, 63 anyos na residente ng purok 6, sitio Kinahan, Brgy. Kamada sa nasabing bayan.
Ayon kay SPO1 Jose Marie Dusaban ng Magpet PNP, umalis umano ang biktima sa kanilang bahay nitong October 27 pa upang dumalo umano sa binyag.
Pero October 28 ng hapon ay umalis ito ng di nagpaalam.
Lasing umano ng umalis ang biktima na tumawid sa nasabing ilog hanggang sa tangayin ng malakas na agos ng tubig.
Nakitaan ng sugat at pasa sa ulo at sa iba pang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na posibleng tumama sa mga malalaking bato.
Kahapon ay tinungo ng mga kamag-anak ang punerarya kungsaan nakalagak ang biktima at positibong kinilala ang bangkay.
Iniimbestigahan pa rin ang nasabing pangyayari upang mabatid kung may foul play sa pagkamatay ng matanda. (Rhoderick Beñez)