
ZAMBOANGA DEL SUR (Mindanao Examiner / Dec. 29, 2013) – Hindi na inabot ng Bagong Taon ang mag-asawang matanda matapos silang pagbabarilin sa loob ng sariling bahay sa lalawigan ng Zamboanga del Sur.
Nakilala ang mga biktima na si Dionesio Bayhon, 78, at asawang si Isabel, 66, at ayon sa pulisya ay pinasok ng armado ang kanilang bahay sa Purok Nueve sa mismong Poblacion ng bayan ng Ramon Magsaysay at itinumba ang mga ito sa kabila ng kanilang edad.
Binaril sa ulo si Dionesio ng .45-caliber pistol at tumagos ang bala sa kanyang mukha at sa sintido naman tinira ang asawa nito. Wala naman inulat na ninakaw sa bahay ng matatanda at naka-sentro ngayon ang imbestigasyon ng pulisya sa away sa lupain na posibleng motibo sa krimen.
Hindi naman sinabi ng mga imbestigador kung sino ang kalaban ng mag-asawa sa kanilang lupain, subali’t may tinutumbok na umano ang pulisya at nangangalap na lamang ng karagdagang ebidensya sa kaso. (Mindanao Examiner)