MATAPOS NA IPASARA ng pamahalaan at i-utos ang pag-aresto sa mga nasa likod ng mga grupong sabit sa malawakang scam o Ponzi scheme sa Mindanao, patuloy naman namamayagpag ang “PCSO” raket na nagbibigay ng mga winning numbers sa Lotto kapalit ng malaking halaga ng salapi.
Kalimitan sa mga nasa likod ng sindikato ay bumibili ng “air time o block time” sa iba’t-ibang himpilan ng radyo sa Mindanao at doon ay nagpo-programa ang mga ito sa pamamagitan lamang ng telepono o cell phone at naka-hook up sa radyo.
Hindi naman agad matunton ang mga nasa likod ng programa dahil karamihan sa mga ito ay nagsasabing nasa Cebu, Zamboanga, Davao at Iba pang bahagi ng rehiyon. Pare-pareho rin umano ang modus operandi ng mga sindikato at hihinalang iisang grupo lamang ang mga ito at nagpo-programa sa radyo sa iba’t-ibang oras sa umaga hanggang tanghali.
Madalas ay bumabati pa ito ng mga pangalan ng kung sino-sinong tao na umano’y nagte-text sa programa upang sabihin sila ay nagwagi sa Lotto at nagpapasalamat sa winning numbers na ibinigay sa kanila ng sindikato upang ma-enganyo ang maraming iba pa na mag-miyembro sa programa.
Humihingi ang mga humahawak ng programa sa radyo ng halagang P3,000 hanggang P100,000 o higit pa mula sa mga nais na manalo sa PCSO o Philippine Charity Sweepstakes Office kapalit ng “winning numbers” sa mga Lotto Draws.
Naglalabas rin ito ng mga di-umano’y testamento o pagpapatunay ng maraming mga nagwagi sa PCSO Lotto Draws mula sa mga winning numbers na ibinigay ng mga sindikato. Ngunit lahat ng mga taong nagpatunay na sila ay tumama sa Lotto at naging milyonaryo ay mga miyembro rin ng naturang sindikato. Isinumbong na rin ito ng mga nabiktima ng scam sa PCSO Head Office ngunit wala naman aksyon na ginawa ukol dito. (Zamboanga Post)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Like Us on Facebook: The Zamboanga Post
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read And Share Our News: https://www.mindanaoexaminer.com
Mirror Site: https://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com
Digital Archives: https://issuu.com/mindanaoexaminernewspaper
Media Rates: https://mindanaoexaminer.com/ad-rates