PATULOY NA NAMAMAYAGPAG sa Mindanao ang isang sindikato na sabit sa maraming panloloko gamit ang pangalan ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO at nagaalok ng mga tips o winning numbers sa Lotto o Swetres kapalit ng malaking halaga ng salapi.
Kalimitan sa mga nasa likod ng sindikato ay bumibili ng “air time o block time” sa iba’t-ibang himpilan ng radyo sa Mindanao at doon ay nagpo-programa ang mga ito sa pamamagitan lamang ng telepono o cell phone.
Hindi naman agad matunton ang mga nasa likod ng programa dahil karamihan sa mga ito ay nagsasabing sila ay nasa Zamboanga, Misamis, Davao at iba pang bahagi ng rehiyon at kadalasan ay nagpapalit ng numero sa kanilang cell phone. Subalit pare-pareho umano ang modus operandi ng mga sindikato at hihinalang iisang grupo lamang ang mga ito at nagpo-programa sa radyo sa iba’t-ibang oras sa umaga hanggang tanghali.
Madalas ay bumabati pa ito ng mga pangalan ng kung sino-sinong tao na umano’y nagte-text sa programa upang sabihin sila ay nagwagi sa Lotto at nagpapasalamat sa winning numbers na ibinigay sa kanila ng sindikato upang ma-enganyo ang maraming iba pa na mag-miyembro sa programa.
Ngunit pawang mga tauhan rin ang mga ito ng sindikato at nagpapanggap lamang na mga nanalo sa Lotto. Humihingi ang mga humahawak ng programa sa radyo ng halagang P3,000 hanggang P100,000 o higit pa mula sa mga nais na manalo sa kapalit ng “winning numbers” sa mga Lotto draws.
At kailangan ay magbayad ang mga ito sa kanila ng halagang P10,000 hanggang P50,000 bilang annual membership fee bago matanggap ng Lotto o Swetres winning numbers. Naglalabas rin ito ng mga di-umano’y testamento o pagpapatunay ng maraming mga nagwagi sa PCSO Lotto draws mula sa mga winning numbers na ibinigay ng mga sindikato. Ang lahat ng mga taong nagpatunay na sila ay tumama sa lotto at naging milyonaryo ay mga miyembro rin ng naturang sindikato.
Isinumbong na rin ito ng mga nabiktima ng scam sa PCSO Head Office ngunit wala naman aksyon na ginawa ukol dito ang ahensya na ngayon ay balot rin sa alegasyon ng korapsyon dahil sa hindi pagre-remit sa mga na-kolekta sa Small Town Lotteries at iba pang numbers game.
Hindi naman mabatid kung alam na ba ito ng mga opisyal ng PCSO regional offices sa Mindanao o kung anong hakbang ang kanilang ginagawa upang mapatigil itong katiwaliaan at sampahan ng kaso ang mga nasa likod nito. (Zamboanga Post)
Like Us on Facebook: The Mindanao Examiner
Like Us on Facebook: The Zamboanga Post
Follow Us on Twitter: Mindanao Examine
Read And Share Our News: Mindanao Examiner Website
Mirror Site: Mindanao Examiner Blog
Digital Archives: Mindanao Examiner Digital
Media Rates: Advertising Rates