
NAGWAGI ang 9-anyos na si Lyca Gairanod ng Cavite bilang kauna-unahang grand champion ng “The Voice Kids” matapos niyang makuha ang pinakamaraming text at online votes mula sa taong-bayan sa two-night finale ng singing-reality show.
Nanguna sa botohan ang pambato ni coach Sarah Geronimo base sa tatlong rounds na Power Ballad, Upbeat Song, at Special Performance with a Celebrity Guest upang manalo ng P1 milyon, one-year recording contract mula sa MCA Universal, house and lot, home appliance showcase, musical instrument showcase, at P1 milyong worth ng trust fund.
Pumangalawa naman si Darren Espanto ng Team Sarah, kasunod sina Juan Karlos Labajo ng Team Bamboo at Darlene Vibares ng Team Lea sa ikatlo at ikaapat na pwesto.
Nagwagi si Lyca matapos nitong awitin ang “Narito Ako” ni Regine Velasquez para sa kanyang ballad at ang “Call Me Maybe” ni Carly Rae Jepsen sa kanyang upbeat song noong Hulyo 26, ngunit ang talagang tumatak sa puso ng mga manonood ay ang kanyang performance ng “Basang Basa sa Ulan” at pakikipagsabayan sa bandang Aegis nitong Hulyo 27 na umani ng standing ovation mula kay coach Lea Salonga, Bamboo, at sa audience ng Resorts World Manila.
Hindi pa man nagsisimulang umere ang “The Voice Kids” ay gumawa na ng ingay si Lyca dahil sa kanyang blind audition performance ng “Halik” ng Aegis na nagsilbing isa sa mga teaser para sa pagsisimula ng programa at naging isang viral hit.
Sa kanyang pagsuong at pagtatagumpay sa Battle Rounds, Sing-Offs, at Live Semi-Finals, nabansagan si Lyca bilang ang “little superstar” matapos siyang ikumpara ni coach Lea kay Nora Aunor.
Dito rin mas nakilala pa si Lyca bilang ang batang may pangarap na lumaki sa kahirapan bilang anak ng amang mangingisda na minsa’y tinutulungan ang kanyang ina na mangalakal ng basura. Naibahagi rin ni Lyca noon na minsa’y kumakanta siya para sa kanyang mga kapitbahay para bigyan ng pera o pagkain.
Talagang inabangan, tinutukan, at pinag-usapan ng maraming netizens ang pag-aanunsyo ng unang “The Voice Kids” grand champion dahil sa pagte-trend sa buong bansa at worldwide sa Twitter ng #TheVoiceKidsChampion, #TVKDarrenForTheChampion, #WowAngGwapoNiLuis, Jhong Hilario, Lani Misalucha, Gary V and JK, You Are My Song, at iba pang hashtags.
Inaasahan namang magsisimula ang “The Voice of the Philippines” Season 2 bago magtapos ang taon.