ZAMBOANGA CITY – Sinisikap ngayon ng pamahalaang lokal na masagip ang buhay ng mag-asawang Nurie at Timhar Ong ng Zamboanga City na nasa death row sa Sabah, Malaysia matapos na masentensyahan ng kamatayan dahil sa pagdadala ng droga.
Nadakip ang mag-asawa noon 2005 at nahatulan ng kamatayan 5 taon ang nakalipas at ngayon ay nakakulong sa Kota Kinabalu.
Mismong si Zamboanga City Mayor Beng Climaco ang gumagalaw upang maisalba ang dalawa matapos na makarating sa kanya ang balitang bibitayin ang mag-asawa.
Kinausap na rin ni Climaco si Labor Secretary Rosalinda Baldoz ukol sa kaso ng mag-asawa at agad nitong ipinag-utos kay Regional Director Hassan Gabra Jumdain, ng Office of Workers Welfare Administration, na tignan kung paanong matutulungan ang dalawa.
Nangako umano si Baldoz na idudulog nito ang kaso Department of Foreign Affairs upang masagip ang buhay ng mag-asawa.
Sinabi ni Climaco na sinulatan na rin nito si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at ang Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) upang matugunan ang kaso matapos na mangiyak-ngiyak na humingi ng tulong sa kanya ang panganay na anak ng mag-asawa na si Chazee – 6 na kapatid pa nito ang ngayon ay nasa pangangalaga ng kanilang lola na wala naman hanap-buhay.
Sa kanyang liham sa DFA at OUMWA, sinabi ni Climaco na: “Since 2010 until today, the death sentence has not been executed yet and the family is praying that with timely intervention legal and diplomatic remedies will save the couple.”
Nitong Mayo lamang ay nilakad naman ni Climaco ang kaso pa ng isang Zamboangueno na si Garry Saavedra Quijano na nasa death row sa Malaysia sa kaparehong kaso. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/
Share The News