
DIPOLOG CITY (Mindanao Examiner / Apr. 10, 2014) – Isang magsasaka ang nag-harakiri matapos ng mainitang pagtatalo sa kanyang asawa sa bayan ng Jose Dalman sa Zamboanga del Norte province sa Mindanao.
Agad naman isinugod sa pagamutan si Jomer Bandal, 20, dahil sa ginawa nito sa kanyang sarili sa kasagsagan ng away nito sa asawang si Ritchel Bandal sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Dinasan.
Nabatid na mismong ang kapatid ni Jomer na si Marnie Edoias – na noon ay nasa bahay rin – ang tumulong upang madala ito sa pagamutan kasama ang mga parak.
Humingi umano ng tulong si Marnie sa Barangay chairwoman na si Anicita Velarmino na siya naman tumawag ng saklolo sa pulisya. Sinaksak diumano ni Jomer ang sarili gamit ang hunting knife sa tindi ng galit nito sa asawa. Hindi naman sinabi ng pulisya kung ano ang pinagmulan ng away.
Kasalukuyang nasa Zamboanga Del Norte Medical Center sa Dipolog City si Jomer matapos itong ilipat mula sa Jose Dalman Rural Health Unit dahil sa tinamong sugat nito sa sikmura.
Ang harakiri ay isang paraang ng pagpapakamatay sa pamamagitan ng paglaslas ng sikmura at karaniwang ito sa Japan. (Mindanao Examiner)