
Si Maguindanao Governor Esmael Mangudadato, kanan, at ang kanyang vice gubernatorial running mate na si Datu Odin Sinsuat town Mayor Lester Sinsuat, gitna, at re-electionist 1st District Rep. Sandra Sema, kaliwa, matapos na maghain ng kanilang kandidatura sa Commission on Elections sa Cotabato City. (Mindanao Examiner Photo – Mark Navales)
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Oct. 7, 2012) – Handang-handa na umano si Maguindanao Governor Esmael Mangudadatu sa muling pagtakbo sa naturang posisyon sa darating na halalan.
Pormal ng naghain si Mangudadatu ng kanyang kandidatura sa Commission on Elections at ipinangako nito ang pagbabagong nasimulan sa lalawigan ng Maguindanao na kung saan ay kabilang ang asawa nito at kapatid sa 58 kataong brutal na pinatay nuong 2009 ng mga umano’y ilang miyembro ng angkan ng Ampatuan.
Tutol ang mga Ampatuan sa pagkandidatura ni Mangudadatu kung kaya’t nadamay ang maraming inosenteng buhay, kabilang ang halos tatlong dosenang mga mamamahayag na kasama sa convoy ng asawa nito ng sila’y harangin sa highway. Maghahain sana ng kandidatura ni Mangudadatu ang kanyang asawa ng maganap ang pamamaslang.
Kasama naman ni Mangudadatu sa kanyang paghahain ng kandidatura ang kanyang katuwang na si Datu Odin Sinsuat town Mayor Lester Sinsuat, na kanyang vice gubernatorial running mate; at 1st District Rep. Sandra Sema.
Tumatakbo si Mangudadatu sa ilalim ng Liberal Party na kung saan ay kabilang si Pangulong Benigno Aquino.
Malakas pa rin ang karisma ni Mangudadatu sa lalawigan at ayon sa ilang mga political analysts ay kung ngayon idaraos ang halalan ay tiyak landslide ang magiging panalo nito.
Reporma rin ang pangunahing priority ni Mangudadatu sa kanyang lalawigan kung kaya’t malaki ang suportang nakukuha nito mula sa publiko. (Mindanao Examiner. May ulat ni Mark Navales)