
MAGUINDANAO – Limang taon na bukas, November 23, ang itinuturing na pinakamalaking pag-atake sa mga mamamahayag sa Pilipinas – ang Maguindanao massacre – ngunit malabong- malabo pa rin ang kaso.
“Parang niloloko at pinaiikot na lamang tayo. Isa-isang pinapatay ang mga saksi at potential witnesses sa tinaguriang Ampatuan Massacare kaya lalong humihina ang kaso,” ani Jerry Yap, chairman ng Alab ng Mamamahayag.
Ani Yap, kahit nakakulong na ang mga Ampatuan – Andal Senior at Andal Junior, at Zaldy Ampatuan – na siyang pangunahin mga suspek sa massacre ay hindi pa rin humihina ang kanilang kapangyarihan dahil kayang kaya nilang patahimikin ang sinumang kakalaban sa kanila.
“Ano ang ginagawa ng Department of Justice sa ilalim ni Sec. Leila de Lima para protektahan ang mga pangunahing testigo laban sa mga salarin?,” tanong pa ni Yap.
Gayunman, wala umanong makita o magawa ang gobyerno ni Presidente Benigno Aquino o talagang wala silang ginagawa.
Noong November 19, napatay ang dating driver ni dating ARMM Governor Andal Ampatuan Senior na si Dennis Sakal sa isang ambush sa Maguindanao. Sugatan naman si Butch Saudagal, kilalang bagman ni Andal Ampatuan Junior na kasama ni Sakal. Kapwa sila pinagbabaril habang nakasakay sa motorsiklo sa bayan ng Sharrif Aguak.
“Sino ba ang pinoprotektahan ba ng gobyernong Aquino, ang mga Ampatuan o ang mga biktima?” tanong ni Yap.
Limang taon na ang nakalilipas, ginulantang ang buong mundo ng isang balita ng massacre kung saan sama-samang pinatay at ibinaon sa isang mass grave ang 58 katao, kasama ang 34 na journalist.
Isa man sa mga akusado ay hindi pa nahahatulan, samantalang mahigit pang 100 suspek ang pinaghahanap. “Nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan ang Malacanang sa mga nagaganap na media killings,” giit pa ni Yap. (Nenet Villafana)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com and http://www.mindanaoexaminer.net