
MANILA – Ikinatuwa ng grupong Alab ng Mamamahayag (ALAM) ang pahayag ni Pangulong Benigno Aquino na hindi niya palulusutin ang mga nagkasala at may kinalaman sa binansagang “Maguindanao Massacre” kahit gaano pa ang kapangyarihang taglay ng mga sangkot dito.
Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, kung mabibigyang hustisya ang 57 biktima ng Maguindanao Massacre, matatakot na ang ibang may kinalaman sa media killings.
Ani Yap, presidential action ang kulang para masolusyunan ang media killings, at ngayong ibinibigay na ito ni PNoy, malaki ang posibilidad na mabawasan kung hindi man mahinto.
Sa state of the nation address ni Aquino, sinabi niyang hindi pwedeng ‘forgive and forget’ na lamang ang nasabing massacre. Kabilang sa mga brutal na napatay halos 32 buwan na ang nakalipas ay pawang mga mamamahayag.
Gayunman, walang binanggit si Aquino tungkol sa kontrobersyal na “Freedom of Information” bill na mahigpit na tinututulan ng maraming mambabatas sa Mataas at Mababang Kapulungan. (Nenet Villafania)