
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 4, 2013) – Nagpadala na ng karagdagang puwersa ang Malaysia sa North Borneo na kung saan ay patuloy ang guerrilla warfare sa pagitan nito at mga taga-sunod ng Sultanate of Sulu.
Nabatid na galing pa ng Kuala Lumpur ang mga tropa ng 21st Royal Malay Regiment na nasa ilalim naman ng 8th Brigade Camp na naka-base sa Pengkalan Chepa. Sakay ang mga ito ng isang chartered AirAsia flight.
Dalawang batalyon pa ng mga sundalo ang nakatakdang ipadala sa North Borneo upang tumulong sa operasyon kontra sa mga taga-sunod ng Sultanate.
Naka-sentro sa mga bayan ng Lahad Datu, Kunak at Semporna ang operasyon ng Malaysia upang madakip ang tinatayang 200 mga miyembro ng Sultanate sa pangunguna ni Raja Muda Agbimuddin Kiram, na ipinadala sa North Borneo nuong nakaraang buwan ni Sulu Sultan Jamalul Kiram.
Pagaari ng Sultanate of Sulu ang nasabing isla na ngayon ay tinatawag na Sabah ng Malaysia na ipinagpipilitang sa kanila ang North Borneo. Ibinigay ng Brunei ang nasabing isla sa Sultanate of Sulu ilang siglos na ang nakalipas bilang gantimpala sa pagtulong nito na magapu ang rebelyon doon. (Mindanao Examiner)