
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 22, 2014) – Isang notoryosong Malaysian bomb expert na inulat noon na nasawi sa isang US-backed airstrike sa Sulu province ang umano’y buhay at ngayon ay siyang nagsasanay sa mga recruits ng teroristang grupo.
Si Zulkifli bin Hir, alias Marwan, na lider ng Kumpulan Mujahidin Malaysia, at miyembro ng Jemaah Islamiya, ay napaulat na nasawi noon 2012 matapos na bombahin ng militar ang isang kampo ng Abu Sayyaf sa Sulu, ngunit ayon sa Kuala Lumpur-based newspaper na New Straits Times ay kinumpirma umano ng Malaysian intelligence na buhay si Marwan matapos na lumutang ang isang larawan nito sa Facebook kasama ang iba pang mga terorista.
Sinasanay umano ni Marwan ang mga Malaysian militants sa Sulu bago sila sumanib sa ibang mga radikal na grupo sa Syria at Iraq at maging sa militanteng nasa likod ng Islamic State in Iraq and the Levant o ISIS.
“We can confirm that he is very much alive and is passing on his knowledge and technical know-how at the Abu Sayyaf base. He is not as dead as is widely thought just well-hidden. Many up and coming terrorists and militants have gained immensely from his tutelage,” ani pa ng Malaysian intelligence sources ng NST.
Nabatid na nagbabayad pa ang mga recruit ni Marwan sa kanyang grupo para sa combat training.
Hindi naman agad mabatid ng Mindanao Examiner regional newspaper kung ang sunod-sunod na kidnapping for ransom ng Abu Sayyaf sa Sulu, Tawi-Tawi at Sabah sa Malaysia ay may kinalaman sa pagiipon ng pondo para sa training ng mga recruits ni Marwan o sa pambili ng armas at pangtustos sa paghahasik ng terorismo.
Nitong buwan lamang ay nilusob rin ng militar ang hideout ni Abdul Basit Usman, isang bomber na may koneksyon sa al-Qaeda at Jemaah Islamiya, sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao province, ngunit nakatakas naman ito matapos na masugatan sa labanan.
Nadakip naman ang asawang Pinay nito at tatlong iba pang babae – dalawa sa kanila ay Indonesian at ang isa ay mula sa Sulu – ang isa sa kanila ay asawa ni Marwan. Nabawi rin sa hideout ni Usman ang maraming mga armas at pampasabog.
Tulad ni Marwan, napa-ulat rin na nasawi sa isang US drone strike noon 2010 sa Pakistan si Usman kasama ang 10 al-Qaeda militants, ngunit buhay rin pala ito at nagpapatuloy sa kanyang karahasan sa Mindanao kasama ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Nag-alok ang US ng $5 bounty sa ulo ni Marwan at $1million naman kay Usman.
Walang pahayag ang militar at pulisya ukol sa ulat ng NST kay Marwan, ngunit kamakailan lamang ay sumiklab ang labanan sa Sulu sa pagitan ng mga sundalo at Abu Sayyaf. Mahigit sa 40 ang nasawi at sugatan sa naturang labanan sa pagitan ng dalawang grupo.