MARAWI CITY – Inanunsyo ngayon ng pulisya na isang Malaysian jihadist na nakilalang si Amin Baco ang sa kasalukuyang tumatayo bilang lider o emir ng Islamic State sa Southeast Asia at pinaniniwalaang nagtatago ito sa Mindanao.
Pinalitan ni Baco si Isnilon Hapilon na napaslang noon nakaraang buwan sa sagupaan sa Marawi City. Naunang napabalitang kasama si Baco sa mga ISIS fighters sa Marawi. Si Baco ay miyembro rin ng Jemaah Islamiyah at nakuha ng pulisya ang impormasyon mula sa nadakip na Indonesian jihadist na Muhammad Syahputra.
Patuloy pa rin ang paghahanap ng mga sundalo sa natitirang jihadist sa Marawi at kahapon lamang ay 9 na ISIS fighters ang sinasabing napaslang ng militar doon, kabilang dito ang pinsan ni Maute na si Ibrahim Maute.
Naunang isiniwalat ni Syahputra na mayroon pang 39 na jihadist sa main battle area. Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Marawi na liberated na mula sa kontrol ng ISIS kung kaya’t libo-libong mga residente ang pinabalik sa mga ligtas na barangay. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com /http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share Our News
Digital Archives: issuu.com/mindanaoexaminernewspaper